Advertisers

Advertisers

MAYNILA, PASOK SA GLOBAL SMART CITY ELITE: SILVER AWARD SA SEOUL!

0 18

Advertisers

NAGKAMIT ng Silver Award ang Lungsod ng Maynila sa Tech-Innova City category ng Seoul Smart City Prize 2026, matapos kilalanin ang paggamit nito ng Geographic Information System (GIS) technology sa disaster management at pamamahala ng lungsod.

Kinilala ang Manila Innovation Integrated GIS and Data Hub sa pagsasama nito ng geographic information systems para sa disaster risk reduction, kaligtasan ng publiko, pangangalaga sa kapaligiran, at pagtataguyod ng inklusibong paglago ng ekonomiya.

Ikalawa ang Maynila sa kabuuang pagkilala, kasunod ng Gold awardee na Madrid, Spain, at tabla sa Buenos Aires, Argentina. Tumanggap naman ng Bronze awards ang Cuenca, Granada at Konya, Turkey.



Ayon kay Manila Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso, patunay ang pagkilala sa ilang taon ng pagsisikap ng GIS team at mga tauhan ng lungsod na nakatalaga sa disaster risk reduction.

“This is proof that Manila belongs on the world stage. Years of hard work by our GIS team and our disaster risk reduction personnel brought us here, and I could not be more proud of what they have built,” ani Domagoso.



Kinilala sa naturang parangal ang pagbuo at pagsasama ng Maynila sa mga GIS system nito mula sa simula, gamit ang digital mapping, spatial analysis at real-time data monitoring upang mapalakas ang pagtugon ng lungsod sa baha, sunog at iba pang emergency sa anim nitong distrito.

Pinamumunuan ang hub ni Ramon Jefferson P. Verano, Officer-in-Charge ng Electronic Data Processing Services sa ilalim ng Office of the Mayor at concurrent Chief ng Manila Innovation and Integrated GIS and Data Hub sa ilalim ng Special Projects Section ng Manila City Disaster Risk Reduction and Management Department (MCDRRMD), na pinamumunuan ni Director Arnel Eustacio M. Angeles.



“Ang award na ito ay para sa bawat miyembro ng aming GIS team at Manila DRRM Department. Sila ang bumuo ng sistemang ito mula sa simula, gamit ang limitadong resources ngunit walang kapantay na dedikasyon. Para ito sa kanila,” pahayag ng alkalde.

Ang Maynila ang nag-iisang lungsod mula sa Pilipinas na nagkamit ng parangal sa mga kalahok na lungsod, na nagpapakita ng partisipasyon nito sa pandaigdigang komunidad ng mga smart city.

Ayon kay Domagoso, ang pamumuhunan sa teknolohiya tulad ng GIS ay direktang nakatutulong sa kaligtasan ng mga Manileño.

“Kapag namumuhunan tayo sa teknolohiya tulad ng GIS, namumuhunan tayo sa kaligtasan ng bawat Manileño. Bawat pisong inilalagak natin sa sistemang ito ay napupunta sa layuning matiyak na ligtas at protektado ang ating mga kababayan kapag dumating ang kalamidad,” ani Domagoso.(BP)