Advertisers
Sa utos ni Mayor Isko Moreno Domagoso para maghatid agad ng tulong sa mga apektadong Manileño, mabilis na kumilos ang ika-13 na City Council sa pangunguna ni Vice Mayor Chi Atienza para magdeklara ng State of Calamity sa mga barangay na matinding napuruhan ng kamakailang Habagat rains at pagbaha.
Sa isinagawang special session, agaran naipasa ng konseho ang Resolution No. 5, Series of 2026 na isinulong ni Majority Floor Leader Raymundo “Mon” Yupangco para pabilisin nang legal ang paglabas ng pondo ng lokal na pamahalaan para sa kalamidad.
Ito ang mga barangay na isinailalim sa state of calamity:
101, 105, 195, 199, 213, 214, 215, 216, 217, 292, 313, 314, 327, 330, 432, 598, 600, 602, 607, 649, 686, 738, 800, 884, 893, 895, at 903.
Ipinapakita nito ang mabilis at maayos na koordinasyon*l ng Executive at Legislative para matiyak na agad makakatanggap ng tulong ang mga pamilyang lumikas nang walang matagal na proseso.
Binigyang-diin ni Yupangco ang kahalagahan ng aksyon ng konseho.
Buong suporta naman ang ipinahayag ni Vice Mayor Atienza sa resolusyon, at pinuri ang walang pagod na pamumuno ni Mayor Isko.
“Naaalala ko kahapon sa speech ng ating mayor, sabi nga po niya walang perpektong gobyerno.*l Pero masasabi ko, nakita ko ang taong tunay na nagsikap para maging mas mabilis ang pag-ayos ng delubyong nangyari sa atin at naayos ang maraming drainage. Tama ‘yung sinabi ng ating mga Konsehal na dahil nagbukas ang water floodgates, doon po pumapasok ang tubig sa ating siyudad,” pahayag ni Atienza.
Kahit napakaraming tubig ang bumagsak, binigyang-diin ng Bise Alkalde ang mabilis na pagtugon ng administrasyon.
“Talagang nagsikap ang ating mayor para mabilis na maibsan ang delubyong naranasan ng mga Manilenyo kahapon. In fact, ang nakita nating baha kahapon, ngayon malinis na at maayos na, konting-konti na lang. Kung dati ito nangyari, baka inabot pa ng linggo bago naayos ang problema,” diin niya.
“Sa gitna ng mga krisis na ito, siniguro niya na ang ating mga health center ay nabigyan ng gamot para sa leptospirosis. Ngayong araw na dapat sarado ang ilang opisina, binuksan niya ito para tuloy pa rin ang serbisyo sa mga Manilenyo. Nilinis ang mga kalsada at footbridges, pati sa Baseco Beach ay naglinis din.” dagdag pa ng bise alkalde.
Pinasalamatan din niya ang mga Konsehal na dumalo sa special session kahit masama ang panahon.
Dahil sa pagpasa ng resolusyon, makaka-access na agad ang mga apektadong barangay sa kanilang calamity funds para sa mainit na pagkain, gamot, at iba pang relief goods.
Pinapayuhan ang mga kinatawan ng mga nakalistang barangay na pumunta sa City Council Secretariat para kumuha ng certified true copy ng resolusyon at ihain ito sa budget office para sa agad na paglabas ng pondo.
Tiniyak din ni Vice Mayor Atienza na ang mga barangay na hindi pa kasama sa resolusyon ay maaari pa ring makakuha ng tulong. Kailangan lang nilang pumunta sa Manila Department of Social Welfare o MDSW para ma-certify ang kanilang barangay.Kapag na-certify na, agarang poproseso ng City Council ang paglabas ng calamity funds. (Jocelyn Domenden)