Advertisers

Advertisers

27 BRGY. SA MAYNILA LUBOG SA BAHA!: STATE OF CALAMITY IDINEKLARA

0 5

Advertisers

Sa direktiba ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso na agad na makapaghatid ng tulong sa mga apektadong Manileño, mabilis na kumilos ang 13th City Council sa pangunguna ni Vice Mayor Chi Atienza upang ideklara ang State of Calamity sa mga barangay na matinding naapektuhan ng malakas na pag-ulan dala ng Habagat at pagbaha.

Sa isinagawang special session, agad na ipinasa ng konseho ang Resolution No. 5, Series of 2026, na inakda ni Majority Floor Leader Raymundo “Mon” Yupangco, upang mapabilis sa legal na paraan ang pagpapalabas ng calamity funds ng lungsod.



Kabilang sa mga barangay na idineklarang nasa ilalim ng state of calamity ang 101, 105, 195, 199, 213, 214, 215, 216, 217, 292, 313, 314, 327, 330, 432, 598, 600, 602, 607, 649, 686, 738, 800, 884, 893, 895 at 903.

Layunin ng hakbang na matiyak na agad na makatatanggap ng tulong ang mga pamilyang naapektuhan at napilitang lumikas, nang hindi na mahaharap sa matagal na proseso ng burukrasya.



Ayon kay Yupangco, higit pa sa isang pormal na deklarasyon ang resolusyon dahil konkretong hakbang ito upang matiyak na makukuha ng mga apektadong komunidad ang kinakailangang ayuda, resources at suporta sa panahon ng kalamidad.

Aniya, tungkulin ng mga lingkod-bayan na mabilis na tumugon sa pangangailangan ng kanilang mga nasasakupan, lalo na ang mga pinaka-bulnerable tuwing may sakuna.



Samantala, nagpahayag naman ng buong suporta si Vice Mayor Atienza sa resolusyon at pinuri ang mabilis na pagtugon ni Mayor Isko sa epekto ng pagbaha.

Sinabi ni Atienza na walang perpektong gobyerno, ngunit nakita umano niya ang pagsisikap ng alkalde upang mapabilis ang pagresolba sa problema sa baha, kabilang ang paglilinis at pagsasaayos ng mga drainage system.

Ipinaliwanag din niya na dahil sa pagbubukas ng mga floodgate upang pakawalan ang tubig, mas maraming tubig ang pumasok sa lungsod.

Sa kabila nito, iginiit ni Atienza na mabilis na naibsan ang baha dahil sa maagap na pagtugon ng administrasyon.

Aniya, ang mga lugar na binaha noong nakaraang araw ay malaki na ang isinubok na paglinis at pag-aayos, at kakaunti na lamang ang natitirang tubig.

Kung dati umano ay maaaring abutin ng isang linggo bago maayos ang ganitong sitwasyon, mas mabilis na itong naresolba ngayon.

Sinabi rin ni Atienza na tiniyak ng alkalde na may mga gamot laban sa leptospirosis ang mga health center. Kahit dapat ay sarado ang ilang tanggapan, binuksan ang mga ito upang magpatuloy ang serbisyo sa mga Manileño.

Nilinis din ang mga kalsada at footbridge, pati ang lugar sa Baseco Beach.

Pinuri rin ng vice mayor ang mga konsehal na dumalo sa special session sa kabila ng masamang panahon.

Ayon sa kanya, ipinakita nito na patuloy na kumikilos ang buong pamahalaang lungsod—kapwa ehekutibo at lehislatibo—upang tulungan ang mga Manileñong naapektuhan ng kalamidad na muling makabangon.

Samantala, nagpahayag din ng kanilang mga obserbasyon ang ilang konsehal hinggil sa pagbaha sa kani-kanilang distrito.

Ayon kina Councilor Atty. Jaybee Hizon at Councilor Elmer Par, patuloy ang lingguhang paglilinis ng mga drainage tuwing Sabado, ngunit hindi umano sapat ang drainage system kapag napuno na ang mga creek at mataas na ang tubig sa Pasig River.

Dagdag pa ni Par, malaking tulong ang regular na paglilinis ng mga drainage, ngunit naniniwala siyang hindi lamang malakas na ulan ang dahilan ng pagbaha kundi maging ang pagpapakawala ng tubig mula sa mga dam.

Samantala, nanawagan si Councilor Lou Veloso ng mas mabigat na parusa laban sa mga maling nagtatapon ng basura na nagiging sanhi ng pagbabara ng mga kanal.

Iginiit niyang hindi sapat ang simpleng multa dahil maaaring magdulot ng pagkamatay ang pagbaha na pinalalala ng baradong mga drainage.

Sa kabilang banda, napansin ni Councilor DJ Bagatsing ang malaking pagbuti sa bilis ng paghupa ng baha, partikular sa mga dating madalas bahain gaya ng España Boulevard.

Aniya, dati ay agad na naiisip ang España kapag pinag-uusapan ang baha, ngunit ngayon ay bagama’t mabilis pa ring tumaas ang tubig, mas mabilis na rin itong humuhupa.

CALAMITY FUNDS, MAAARI NANG GALAWIN

Dahil sa pagpasa ng resolusyon, maaari nang gamitin ng mga apektadong barangay ang kanilang calamity funds para bumili ng lutong pagkain, gamot at iba pang pangunahing relief goods para sa mga residente.

Pinapayuhan ang mga kinatawan ng mga barangay na pumunta sa City Council Secretariat upang kumuha ng certified true copy ng resolusyon. Isusumite ito sa budget office upang agad na maipalabas ang kanilang calamity funds.

Tiniyak naman ni Atienza na hindi mapapabayaan ang mga barangay na hindi kabilang sa unang listahan.

Maaari silang magtungo sa Manila Department of Social Welfare (MDSW) upang ma-certify ang kanilang barangay. Kapag nakumpleto ang certification, nangako ang City Council na mabilis na isasagawa ang legal na proseso para sa pagpapalabas ng kanilang calamity funds.(BP)