Advertisers

Advertisers

NCAP 2.0: WALA NANG LUSOT, HULI KA SA KAMERA!

0 26

Advertisers

Ayan na! Wala nang atrasan. Wala nang palusot. At higit sa lahat, wala nang “Boss, pakiusap!”

Ito ang bagong realidad na haharapin ng mga abusadong motorista sa Maynila kasunod ng pagsisimula ng NCAP 2.0.

Kaya sa mga sanay humataw kahit red light, sumingit kung saan bawal, mag-counterflow, mag-park na parang kanila ang kalsada at pagkatapos ay makikiusap pag nahuli, di na ubra yun, huli ka!



“You cannot argue with technology.” Makiki-usap kapag nasita—mag-isip-isip na kayo.

Dahil ngayon, hindi na kailangang humarang ang enforcer sa inyong sasakyan.



KAMERA NA ANG BANTAY.

At ang masakit?



Hindi mo puwedeng lapitan ang kamera para makiusap. Hindi mo puwedeng sabihan ng, “Boss, baka puwedeng pagbigyan.”

Hindi mo puwedeng gamitin ang posisyon, pangalan o koneksiyon para burahin ang malinaw na paglabag.

Kaya tama ang punto ni Manila Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso: Sa NCAP, wala ka nang lusot, huli ka sa kamera!

At dito dapat magsimula ang tunay na disiplina sa kalsada.

Dahil sa loob ng maraming taon, may mga motorista talagang ang tapang ay nakasalalay sa presensya ng enforcer.

Kapag walang nanghuhuli, hataw!

Kapag may enforcer, biglang preno!

At kapag nahuli?

“Boss, pakiusap lang…”

May iba pa ngang may kasamang bonus na: “Kilala mo ba ako?”

Pero sa NCAP 2.0, hindi na mahalaga kung sino ka.

Kamera ang nakakakita. Sistema ang nagtatala. Proseso ang magdedesisyon.

At pinakamaganda rito, hindi lamang ordinaryong motorista ang sakop.

Mismong mga kawani ng gobyerno ay pinaalalahanan ni Isko na sumunod.

At dapat lang!

Kung ang gobyerno ang nagpapatupad ng batas, dapat sila rin ang unang sumusunod dito.

Walang dahilan para magkaroon ng “VIP treatment” sa traffic rules.

Walang “malapit sa kusina.”

Walang “kaibigan ni ganito.”

Walang “opisyal ako.”

Kung lumabag, managot.

Simple.

Pero kailangan ding maging malinaw: ang NCAP ay hindi dapat maging basta makinang pangmulta.

May proseso.

May validation.

May pagkakataon ang motorista na kuwestiyunin ang violation.

At tama iyon.

Dahil ang makabagong teknolohiya ay dapat gamitin para palakasin ang pagpapatupad ng batas, hindi para tanggalin ang karapatan ng isang tao na marinig at mapatunayan ang kanyang panig.

Kaya kung malinaw ang kuha at napatunayang may paglabag, walang dapat ikagalit ang motorista.

Sumunod na lang.

Ang problema kasi, may ilan na galit sa ticket pero hindi galit sa sariling paglabag.

Galit sa multa pero hindi galit sa maling pagmamaneho.

Galit sa enforcer pero walang pakialam sa pedestrian na muntik nang mabundol.

Galit sa NCAP pero hindi galit sa kulturang “bahala na, walang huhuli.”

Iyan ang dapat baguhin.

Dahil ang kalsada ay hindi paligsahan kung sino ang pinakamatapang.

Hindi ito lugar para ipakita kung sino ang may pinakamalaking sasakyan.

At lalong hindi ito entablado para ipagyabang kung sino ang maraming kakilala.

Kalsada ito. At may batas.

Kaya sa mga motorista sa Maynila: Kung ayaw ninyong makatanggap ng notice, napakadali ng solusyon.

Huwag lumabag.

Huwag humarurot sa red light.

Huwag mag-counterflow.

Huwag mag-park kung saan bawal.

Huwag mang-agaw ng lane.

Huwag umasta na parang kayo ang may-ari ng buong kalsada.

At huwag umasa sa “palusot.”

Dahil kapag NCAP 2.0 na ang kaharap mo, baka ang dating “Boss, pakiusap” ay maging: “Boss, magkano na ang penalty?”

At dito natin makikita kung talagang nagbabago na ang kultura sa kalsada.

Dahil ang tunay na tagumpay ng NCAP 2.0 ay hindi kung ilang libong violation ang maipapadala.

Ang tunay na tagumpay ay kapag dumating ang araw na hindi na kailangan ng kamera para sumunod ang motorista.

Pero habang hindi pa dumarating ang araw na iyon.

KAMERA, BANTAYAN MO SILA!

At sa mga abusadong motorista:

WALA NANG SIGA. WALA NANG BACKER. WALA NANG PALAKASAN.

SUMUNOD KA O MAGHANDA SA NOTICE!
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe sa bampurisima@yahoo.com.