Advertisers
NAGBANTA si Senador Imee Marcos kaugnay sa fish smuggling hindi lamang sa mga palengke at supermarket kundi sa mga online sellers.
Sa harap ito babala ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources na sisimulan na nilang mangumpiska ng mga imported na isdang bawal ibenta sa mga palengke at grocery sa Disyembre 4 hanggang sa Pebrero ng susunod na taon.
Giit ni Marcos, nag-isyu na ng babala at palugit ang attached agency ng Department of Agriculture sa mga palengke at mga supermarket.
“Ang mga smuggler na nagbebenta online ay mas tuso kaysa BFAR. Sa lumalawak na digital world, hindi lang mga palengke at supermarket ang nagbebenta ng mga puslit na mga isda at seafood,” diin ni Marcos.
Paliwanag ng senadora, sinasamantala ng foreign commercial fishing boats ang closed fishing season sa Pilipinas mula ngayong Nobyembre hanggang Pebrero ng susunod na taon para ibenta ang kanilang nahuhuling isda sa mapagsamantalang traders.
“Hindi idinideklara ng mga trader ang kanilang mga inangkat na para sana sa industrial use, pero sa huli, ibinibebenta nila itong tingi-tingi sa mga palengke sa pamamagian ng mga kilalang online shopping platforms,” pagsisiwalat pa ni Marcos.
Nitong linggo lang, nabuko ng BFAR ang bentahan ng mga frozen imported salmon, pampano at pusit sa Commonwealth Market sa Quezon City at ibinibenta rin ito sa oline.
Ang tanging binigyang otorisasyon ng DA para sa limitadong importasyon sa panahon ng closed-fishing season ay ang mga galunggong, matang baka, mackerel, bonito at moonfish.
“Ang nakakalungkot lang, posibleng ang mga ipinupuslit na isda ay maaaring sa ating karagatan din nanggaling. Ito ang sumisira sa pagpapatupad ng seasonal fishing ban na nagbibigay-daan sana para mangitlog at magparami ang naturang mga isda sa ating karagatan,” dagdag pa ni Marcos. (Mylene Alfonso)