Advertisers
Tumanggap ang Pamahalaang Lungsod ng Caloocan, sa pangunguna ni Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan, ng Gawad Kalasag Seal of Excellence para sa ‘Fully Compliant’ rating ng Caloocan Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO).
Iginawad ang nasabing parangal ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), na nagsasaad na karaniwang sumusunod ang Lungsod ng Caloocan sa mga pamantayan para sa pagtatatag at paggana ng mga lokal na konseho na itinakda sa Republic Act no. 10121.
Nagpahayag ng pasasalamat si Mayor Along sa NDRRMC para sa pagkilala at pinuri rin ang CDRRMO sa pagsisikap nitong sundin ang kanyang mga direktiba alinsunod sa paghahanda sa sakuna.
“Nagpapasalamat po tayo sa NDRRMC sa pagkilala nito. Nagsisikap po ang pamahalaang lungsod upang tiyakin na handa ang Caloocan sa anumang sakuna,” wika ni Mayor Along.
“Kinilala ko po ang lahat ng bumubuo sa CDRRMO, sa pangunguna ng kanilang Chief of Office na si Dr. James Lao at Action Officer Alex Nadurata. Patuloy na nagbubunga ang inyong pagtugon sa ating direktiba noong ating inagurasyon hanggang sa ating State of the City Address na palakasin ang ating pagresponde sa sakuna at aksidente,” dagdag ni Malapitan.
Matatandaan, inuuna ni Mayor Along ang pagtatayo ng walong (8) Quick Response Stations sa buong lungsod at inatasan ang CDRRMO na sanayin ang mga first responder nito para sa efficient response time lalo na sa panahon ng kalamidad.
“Sinanay natin ang ating mga first responders para sa mas maagang pagtugon sa panahon ng kalamidad, ikinalat din natin ang walong Quick Response Station sa tatlong distrito ng lungsod,” pahayag pa ni Mayor Malapitan.
“Kaugnay ng ating sinabi noong ating unang SOCA, isa sa mga pangarap ko para sa ating lungsod ang magiging isa tayo sa nangungunang DRRM Office sa buong Pilipinas. Hangad natin na maging alerto, handa at maaasahan ng bawat Batang Kankaloo.” dagdag pa ni Mayor Along.(BR)