Advertisers
ANG perya ay isang lugal na pasyalan na kinagigiliwan ng mga taga-barrio, gayon din ng mga taga-siyudad dahil sa iba’t ibang palaro, palabas at ibat-ibang rides dito na ang mga mahihirap sa mga pinaka-mahirap ang suki sa ganitong uri ng mga panoorin.
Ngunit sa pag-ikot ng panahon ito’y tinawag ng pergalan dahil hinaluan na ng sugal ng mga ganid at tusong mga operator ng color game, beto-beto, drop ball, sky lab, cara y cruz, kalaskas at kalimitan ay ng sakla at iba pang uri ng bawal at madadayang card games.
Ang ganitong modus (pergalan) ay tinatawag na illegal per se, sinasalungat nito ang batas, ngunit hindi ito naging hadlang sa mga kapitalista nito sa pag-ooperate sa buong bansa.
Ito’y dahil marahil sa kutsabahan na nangyayari sa pagitan ng mga awtoridad ng Philippine National Police (PNP), CIDG, National Investigation Bureau (NBI) at mga financier na nasa likod ng lantad at garapalang operasyon ng pergalan na nag-aalok ng malaking halaga para hindi magambala ang kanilang iligal na negosyo.
Ayon sa insider/source ng SIKRETA sa Camp Crame, milyones ang umiikot na pera ng mga pergalista para magsilbing “lagay o tongpats” sa mga protektor nito mula sa hanay ng PNP at NBI kaya’t kahit anong reklamo ng mga mamamayan laban sa “social menace” na ito ay hindi inaaksyunan ng awtoridad.
Isang lugar sa bansa na napasok ng mga pergalista, lantaran at parang kabuteng nagsusulputan ang operasyon nito ay ang Region 4-A CALABARZON na pinamumunuan ni PBGen. Jose Melencio Nartatez Jr. na binubuo ng mga lalawigan ng Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon.
Bilang pinaka-mataas na pinuno ng PNP sa rehiyon, ang latay ng galit ng mga mamamayan ay kay Gen. Nartatez Jr., dahil sa hindi mahinto-hintong operasyon at tiyak na siya’y pinaghihinalaang kinukunsinte ang operasyon ng mga pergalan sa kanyang area of responsibility (AOR).
Ang mga pergalan ay talamak, lantaran at untouchable ang operasyon sa lalawigan ng Batangas lalo na sa mga bayan ng Laurel, San Luis, Matabungkay sa bayan ng Lian, Brgy. Loyus ni Agnes at Nikki Bakla- Brgy. Pagaspas, sa Tanauan City, Brgy. Pinagtong-olan, Lipa City ni Glenda, Brgy. Pansol Padre Garcia at sa kanugnog na Bgry. Bulihan sa bayan ng Rosario ng isang Venice at Liza sa highway ng Brgy. San Pedro, Sto Tomas City.
Nangongolekta doon ng “tongpat o lagay” para sa pangalan ni RD ang isang Sgt. De Guzman alias Digoy na may taguri ding Allan. Sa lalawigan ng Laguna sa Brgy. Masapan at Brgy. San Roque nina Noni at Melvin kapwa sa bayan ng Victoria, Aris sa Lucban, San Pablo City, Arnel sa Cabuyao, Brgy. Balibago at Calamba City ng isang Judith.
Sa probinsya ng Quezon ay nangunguna ang pwestuhan ng isang Mely sa bayan ng Tayabas, Josie sa bayan ng Lucban, Bebot sa Brgy. Behiya, Tiaong, Sandy sa bayan ng Dolores, Jocy sa Brgy. Sampaloc, Lucban, at Ajilyn na tatlo ang inuokopa- Mauban, Padre Burgos at sa Candelaria.
Sa probinsya ng Rizal ay halos 50 metro lamang ang layo sa munisipyo ng Taytay ang pergalan ni Perly, Gate 2, Olalia Drive sa bayan ng Cogeo ni Jess at sa tabi ng Palmera Restaurant, J.P Rizal Street ay Highway 2000 ay may dinudumog ding pergalan. Ilan lamang ito sa may mahigit sa 100 pergalan na sa CALABARZON.
Sa bayan ng General Mariano Alvarez, Cavite ay tuloy pa din sa pasakla sina Ailyn Landi, Santiago aka Tagoy habang nakabantay ang pulis na sina Pilapil at Jack na pumupustura din na “kapustahan” (tong kolektor) ng isang CIDG official.
May mga pasakla din sinaTimmy at Magsino sa mga barangay ng Sta Clara, San Roque, San Pedro, San Francisco, at Sta Maria ang isang Timmy at Magsino na nagpapakilalang tauhan ng alkalde ng Sto Tomas City.
Hindi pa rin umaaksyon si Batangas PNP Provincial Director Col. Pedro Soliba, kahit dagsa na ang reklamo laban sa sakla operation malapit sa PGMCI Rural Bank, sa Gen. Malvar Street, Padre Garcia sina alias Tisoy at Nonit.
Dahil tahimik lang sina Gen. Nartatez Jr. at ang lima niyang PD, Cavite OIC PD Col. Christopher Olazo, Batangas Col. Soliba, Laguna PD Col. Randy Glenn Silvio, Quezon PD Col. Lyndon Monte at Rizal PD Col. Dominic Baccay, pati tuloy ang mga police chief sa buong CALABARZON ay animo’y mga bulag, bingi at pipi na rin sa matinding operasyon ng pergalan, saklaan, STL bookies, paihi at iba pang kailigalan sa kanilang AOR.
Ito’y dahil, ayon sa ating informant sa natatanggap na pabor o tongpats ng ilang mga tiwaling police official mula sa pergalan at vice operator kaya walang gustong kumilos para masawata ang mga iligal, na dahilan din ng tumataas na indidente ng kriminalidad sa rehiyon.
Ayon pa sa ating informant, ito palang si Gen. Nartatez Jr. ay miyembro ng PMA Class ’92 na bata o protegee ni Pangulong Bongbong Marcos kaya ito natalagang R4A police director at nangangarap din na maging PNP Chief?
Aba’y kawawa naman ang pambansang kapulisan kapag ito ang na-appoint na pinakamataas na pinuno ng PNP?
***
Para sa komento: sianing52@gmail.com; cp # 09664066144