Advertisers
Hinimok ni Senate committee on sports chair, Senator Christopher “Bong” Go si Justin Brownlee na pahalagahan ang pagiging Pilipino matapos aprubahan ng Senado sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang nagbibigay sa Barangay Ginebra import ng Philippine citizenship.
“To Mr. Brownlee, nawa’y patuloy mong isapuso ang pagiging isang Pilipino,” ani Go sa kanyang talumpati.
“Mahalin mo ang Pilipinas at isapuso ang tungkulin ng bawat mamamayang Pilipino na magsilbi sa bayan at unahin ang interes ng Pilipinas,” idinagdag niya.
Ang mga senador ay bumoto ng 21-0 pabor sa House Bill No. 6224, na walang kumontra at walang abstention. Ipadadala ito sa Malacañang para lagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Sa kanyang talumpati, pinasalamatan din ni Go si Senator Francis Tolentino na naging sponsor ng panukala, gayundin ang lahat ng mga may-akda ng panukalang batas para gawing prayoridad ang batas.
“I just want to thank the sponsor, Senator Francis Tolentino, at sa lahat po ng authors, mga kasamahan natin dito—Senator Angara, (Majority Leader) Villanueva, ang first five, Senator Bato, (Senate President) Zubiri– -lahat na. Senator Estrada… Senator Binay, Senator Ejercito, Senator Gatchalian, Senator Poe, Senator Padilla, Senator Tulfo, Senator Legarda, Senator Pimentel, Senator Hontiveros, Senator Lapid, Senator Marcos, Senator Villar, Senator Revilla, sa lahat ng kasamahan natin, Senator Cayetano – sa tulong, para unahin ang panukalang ito,” sabi ni Go.
Dahil isa nang Pinoy si Brownlee, sinabi ni Go na maaari niyang palakasin ang mga tsansa ng bansa sa iba’t ibang internasyonal na kompetisyon, kabilang ang nalalapit na FIBA ??World Cup sa 2023.
Ang bansa ay co-host ng kompetisyon kasama ang Japan at Indonesia, na gaganapin sa Smart Araneta Coliseum at Mall of Asia Arena mula Agosto 25 hanggang Setyembre 10 sa susunod na taon. Magho-host din ang bansa sa huling yugto ng kompetisyon.
“At stake po dito ang ating bayan, sana ay pumasok tayo sa Final Eight at manalo,” sabi ni Go.
Dumating si Brownlee sa Pilipinas noong 2016. Una siyang sumali sa mga kumpetisyon ng Samahang Basketbol ng Pilipinas bilang kapalit na import. Pagkatapos ay ipinakita niya ang kanyang mga talento na nakatulong sa Barangay Ginebra na makuha ang unang kampeonato sa PBA sa loob ng walong taon. Mula noon, tinulungan at pinamunuan niya ang kanyang koponan upang makamit ang limang PBA championship noong 2016, 2017, 2018, 2019 at 2021.
“Sa pananatili niya dito sa ating bansa, napatunayan niya hindi lang ang basketball skill niya kundi pati na rin ang pagmamahal niya sa mga Pilipino at sa bansa. Alam kong naisapuso na niya ang ating mga tradisyon at kultura,” sabi ni Go.
“Napamahal na siya sa mga Pilipino at alam ko rin na napamahal na rin ang mga Pilipino sa kanya, vice versa,” pahabol ng mambabatas.