Advertisers
SINAMPAHAN ng kasong kriminal at administratibo ang isang pulis sa pagkamatay ng lalaking dinakip sa pagnanakaw habang nasa kustodiya ito ng Maasin City Police nitong Martes.
Iimbestigahan ng Philippine National Police-Internal Affairs Office (PNP-IAS) Region 8 ang kasong administratibo laban kay Police Staff Sgt. Ronald Gamayon, nakatalaga sa Provincial Intelligence Unit (PIU) ng Southern Leyte, kaugnay sa pagkamatay ni Gilbert Ranes, suspek sa nakawan.
Ayon sa ulat, si Gamayaon ang unang rumesponde at nakaaresto kay Ranes sa kasong pagnanakaw nitong Disyembre 9 sa Barangay Mantahan, Maasin City, Leyte.
Ginulpi si Ranes at nakaranas ng hirap sa paghinga bago ito namatay sa kustodiya ng istasyon.
Dinisarmahan na si Gamayon at kasalukuyan itong nasa restrictive custody ng pulisya habang ang apat pang pulis na nakadestino sa Maasin City Police Station na kasunod na rumesponde sa pagdakip kay Ranes ay inalis sa kanilang puwesto at inilipat sa Leyte Police Provincial Office (PPO) simula Disyembre 12.