Advertisers
SA kautusan na rin ni Pangulong Bong Bong Marcos (PBBM) dahil sa kahilingan ng maraming pensiyonado ng Government Service Insurance System (GSIS) at Social Security System (SSS), inialis na ang mga ito sa listahan ng pagkukunan ng puhunan para sa naging kontrobersiyal na Maharlika Fund.
Ang Maharlika Investment Fund ay ideya ni PBBM upang matulungang umangat pa ang ating ekonomiya. At hindi ito ang kauna-unahan ha, mga kaibigan kong mambabasa.
Ito ay ibinatay ni PBBM sa konseptong isinasaad ng mga polisiyang binalangkas ng ating mga kapitbahay na mga bansa ng ASEAN.
Agad namang tumalima ang Senado at Kongreso sa pagliligtas ng mga pensiyonado, na may mga pag-aalinlangan sa konseptong ng ating Pangulo. At sa halip ay pinalit at isinali sa listahan ang Philippine Gaming and Amusement Corp. (PAGCOR).
Ang mga ibang pang ahensiya ng pamahalaan na pagkukunan ng puhunan para sa Maharlika Investment Fund ay ang mga sumusunod – Land Bank of the Philippines (LBP), Development Bank of the Philippines (DBP), at Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).
Di biro ang gugulin ng mga ito para puhunanan ang Maharlika Fund. Ang Land Bank of the Philippines ay mags ay P50 billion; ang DBP ay P25 billion, ang Bangko Sentral ng Pilipinas naman ay ilalaan ang 100 percent ng dibidendo nito, samantalang ang PAGCOR ay 10 percent naman ng kanilang annual gaming revenues.
Suhestiyon naman ng ekonomistang galing sa Bicol na mambabatas na si Albay Rep. Joey Salceda, maaari rin namang ipagbili ni PBBM ang mga pag-aari ng pamahalaan para maging puhunan ng Maharlika Fund, gaya ng Basay Mining na mayroong P102.8 billion na ore reserves.
Ang iba ay gaya ng 24-hectare na pag-aari ng Food Terminal Inc. na nagkakahalaga ng P22.1 billion. Mayroon din 6.8-hectare na Ecology Villages sa Makati na tinatayang P12.5 billion na ang halaga; di pa kasali diyan ang 23-hectare Mile Long complex na nasa Makati din na may halagang P7.7 billion.
Marami pang ibang at kulang ang ating espasyo kung ililista ko pa. Ang mahalaga nailigtas ni PBBM ang mga senior citizen at iba pang mga pensiyonado sa kanilang mga agam-agam na kung pondo nila ang gagamitin at sakaling malugi ang pamumuhunan sa Maharlika Fund ay sila ang magiging kawawa.
Well, di na po kayo isasali at kukunan ng pondo para gamitin sa Maharlika Fund, sure ball pa rin pong darating ang inyong mga pensiyon sa tamang takdang mga araw.
Pero sure ball din po na kikita ang pamumuhunan ni PBBM at ng pamahalaan sa Maharlika Fund. Dahil gaya ng iba pang bansa sa ASEAN na may ganito, wala pang nalugi.