Advertisers
Patay ang isang siklistang lalaki na sinaksak sa kasagsagan ng pagdiriwang ng Pasko sa Barangay Tigayon, Kalibo, Aklan.
Kinilala ni PSMSgt. Velasco Nabor Jr. ng Kalibo Municipal Police Station ang biktima na si Michael Tijano, 25 anyos; habang ang salarin naman si Erwin John Eulogio, 18 anyos at kapwa mga residente ng nasabing lugar.
Batay sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, habang nag-iinuman ang salarin sa kanilang bahay bigla na lamang pumasok ang biktima kasama si Zion Von Aeron Diangson, 18 anyos na kapwa lango sa alak.
Dahil sa may dating alitan ang dalawa, nagkaroon muli sila ng komprontasyon sa isa’t isa hanggang sa umabot na kumuha ng patalim ang salarin at isinaksak sa biktima na nagkaroon ng fatal na sugat sa kaliwang balakang.
Naisugod pa sa pribadong pagamutan si Tijano ngunit binawian rin ito ng buhay.
Samantala, agad naman na sumuko si Eulogio sa mga awtoridad at kasalukuyang nakakulong sa Kalibo PNP station para sa karampatang desisyon.