Advertisers
Pinuri ni Senador Christopher “Bong” Go ang pag-apruba ng mga senador sa Senate Bill No. 1359 o No Permit, No Exam Prohibition Act, sa ikatlo at huling pagbasa noong Lunes.
Si Go ay isa sa co-author at co-sponsor ng panukala.
Sa iminungkahing panukala, parurusahan ang mga eskuwelahan na magpapatupad ng patakarang “no permit, no exam” o anumang katulad na polisiya na nagbabawal sa mga mag-aaral na kumuha ng pagsusulit dahil sa hindi nabayarang matrikula o iba pang bayarin sa paaralan.
“I am grateful for the support and cooperation of my colleagues in the Senate for the passage of this measure. Education is a basic right that should be accessible to all, and this measure ensures that no student is unfairly deprived of the opportunity to take exams or assessments because of financial constraints,” sabi ni Go.
“Patuloy po tayong magtulungan upang masigurong may dekalidad na edukasyon para sa bawat Pilipino,” dagdag niya.
Sinasaklaw ng SBN 1359 ang lahat ng pampubliko at pribadong institusyong pang-edukasyon, kabilang ang elementary and secondary schools, post-secondary technical-vocational institutes, at higher educational institutions.
Kasama rin dito ang lahat ng indibidwal na naka-enroll sa K to 12 Basic Educational Program, certificate, diploma, o degree programs ng higher educational institutions, o short-term courses na inaalok ng technical-vocational training institute.
Sa kanyang co-sponsorship speech, sinabi ni Go na ang ‘no permit, no exam policy’ ay nagdaragdag ng pasanin sa mga magulang at nanggigipit sa mga mag-aaral na dapat ay nakatutok sa pag-aaral.
“Kailangan po natin tanggalin ang ganitong klaseng burden sa students at kanilang mga magulang. The primary objective of schools is to provide learning opportunities for the development of the students’ intellectual, moral, physical and cultural aspects,” ani Go.
Inamin niya na ang ekonomiya ng Pilipinas ay nananatiling mahina dahil sa mga natural na kalamidad at pandemya ng COVID-19 na nagpahirap sa mga mag-aaral at kanilang magulang na magbayad ng matrikula at iba pang bayarin sa paaralan.
“[H]ammered by natural disasters and COVID-19, our Philippine economy remains to be more vulnerable. It is understandable that students and their parents struggle to pay tuition and other school fees,” ayon sa senador.
Sa ilalim ng batas, ipinagbabawak sa institusyong pang-edukasyon, pampubliko o pribado, na magpataw ng patakarang pumipigil sa mga mag-aaral na may natitirang obligasyon sa pananalapi na kumuha ng eksaminasyon o anumang anyo ng pagsusulit sa edukasyon.
Gayunpaman, ang mga mag-aaral at/o ang kanilang magulang o legal guardian ay dapat gumawa ng promissory note na nagsasaad na ang hindi pa nababayarang obligasyon ay kailangang ayusin sa pinagkasunduang petsa.
“Naiintindihan naman natin, kailangan din ng mga paaralan ang stable finances to continue operating. Kailangang balansehin din po. Pero ang primary goal naman talaga nila is to provide education first, (aside from doing) business,” sabi ni Go.
Bilang tagapangulo ng Senate committee on health, ang pangunahing interes ni Go ay ang pisikal at mental na kalusugan ng mga mag-aaral.
“Dapat hindi malipat sa kanila ang burden. Lagi po nating unahin ang kapakanan ng ating mga estudyante bago ang lahat,” ani Go.