‘Wag magpalinlang sa social media’ – Mayora Honey
Advertisers
“WAG magpalinlang sa social media”.
Ito ang mahigpit na panawagan ni Mayor Honey Lacuna sa lahat ng Manileño, matapos ang ‘marites’ na may ‘serial killer’ umanong gumagala sa Tondo ay kumalat na parang apoy at nagdulot ng pangamba at takot sa mga residente.
“Gusto pong ipaalala ng inyong pamahalaan… kung maari po kami po ay nakikiusap ako sa inyo. ‘Wag po kayo basta-basta naniniwala sa mga nababasa ninuo sa social media. Alam nyo naman po naman ninyo na ang social media minsan po talaga ay hindi nagagamit sa tamang paraan,” sabi ng alkalde.
Idinagdag pa nito na : “… so ‘yung kinakalat po na serial killer sa Balut, Tondo, wala po itong katotohanan. Bagamat may mga hindi maiiwasang pangyayari sa ating lungsod, na nangyayari naman kahit saang lungsod, makakasiguro po kayo na ang atin pong mga kapulisan ay 24/7 na titiyakin ang inyong seguridad dito po sa ating lungsod.
Dahil dito ay tiniyak ng lady mayor na: “Mananatiling payapa at maayos ang ating lungsod paiigtingin pa din po natin ang police visibility.”
Ganito rin ang panawagan ni Manila Police District Director PBGen. Andre Dizon, na agad na sinabing fake news ang nag-viral na ‘serial killer’ post sa Tondo.
“Patungkol sa kumakalat na video at viral info sa social media, isa itong ‘fake news’ na di dapat sakyan o i-share,” sabi ni Dizon.
Sa press conference nitong Miyerkules ng hapon, iprinisinta ni Lacuna at Dizon ang isang ‘Joel Blandy,’ kung saan ang larawan nito ay nasa social media at binansagan na umanoy serial killer, na mariin namang itinanggi nito.
“Ako po ‘yung nasa picture pero hindi ako serial killer,” sabi ni Blandy. Mayroon ding testigo na lumutang at pinatunayan na inosente nga ito.
Ang mga suspek sa pamamaril kamakailan sa Tondo ay nakilala na sina Jay-Jay Martelino at naaresto na rin habang ang isang ‘Ivan’ ay nananatiling at large. (ANDI GARCIA)