Advertisers
PINANGUNAHAN ni Pang. Ferdinand Marcos Jr. ang pamamahagi ng P543.16 milyong halaga ng farm mechanization at modernization bilang bahagi ng mga hakbang ng pamahalaan sa pagkamit ng food security, partikular sa “Rice Granary of the Philippines.”
Sa kanyang pagdalo sa distribusyon ng agri interventions sa Science City of Muñoz, Nueva Ecija, binigyang diin ni PBBM na ang agriculture at fisheries sector ay sentro ng mga plano at programa ng administrasyon lalo na sa kritikal nitong papel sa pagbangon at paglago ng ekonomiya ng bansa.
Sa tulong ng Rice Program ng Department of Agriculture, ang San Andres Small Water Irrigation System Association (SWISA) ay nakatanggap ng P6 milyon para sa rehabilitasyon ng Small Water Impounding Project (SWIP) habang P5 milyon naman ang nakuha ng Makabagong Magsasaka sa Cabanatuan City para sa konstruksiyon ng warehouse ng mechanical dryer ng organisasyon.
Samantala, namigay naman ang DA-Philippine Center for Postharvest Development and Mechanization (PHilMech) ng P15.97 milyong halaga ng hand tractors, four-wheel tractors, transplanters, rice combine harvesters, recirculating dryers, at precision seeders na hinugot mula sa Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF).
Sa event na dinaluhan ng 2,500 farmer-beneficiaries at iba pa, sinabi ng Pangulo na ang mga equipment o makinarya ay makatutulong sa pagpapalakas ng ekonomiya at produksiyon ng mga magsasaka.
Ginawaran din ng tig-P40 milyon bawat isa ang Calancuasan Sur Farmers Association at San Vicente Alintutuan Irrigators Association para sa kanilang onion cold storage facility.
“Sa inyong malaking kontribusyon sa agrikultura ng bansa, taos-puso kaming nagpapasalamat sa inyong lahat sa inyong pagsisikap upang makakain ang ating mga kababayan. Bilang inyong pangulo ay asahan ninyo na laging susuportahan ang agrikultura ng ating administrasyon,” pahayag ni Marcos.
Pinagkalooban naman ng DA-Philippine Rural Development Project (PRDP) ng P209.955 milyon ang Nueva Ecija provincial local government unit (LGU) at P211.834 milyon ang Bongabon municipal LGU para sa kanilang cold storage facilty.
Sa pamamagitan ng DA-Enhanced Kadiwa Financial Grant Assistance Program, ang Bonifacio Multi-purpose Cooperative ng Cuyapo ay nakakuha ng isang P1 milyon habang ang New Magilas Primary Cooperative ng Bongabon ay nakatanggap ng P2.4 milyon para sa working capital at hauling truck ng mga LGU.
Samantala, ginawaran naman ang Lupao Crops and Swine Raisers Association at Try Me Agriculture Cooperative ng Muñoz ng tig-P5.5 milyon bawat isa para sa pagtatayo ng bio-secure swine housing facility sa ilalim ng DA-Livestock Program.
“Ang lagi kong pinapaalala sa lahat ng ating mga kasamahan sa pamahalaan, hindi lang dapat tumaas ang production, dapat gumanda pati ang hanapbuhay ng ating mga magsasaka para naman hindi nahihirapan, hindi malubog sa utang,” pahayag pa ni Pang. Marcos. (GILBERT PERDEZ)