Advertisers
Nasa ligtas ng lugar ang 409 Overseas Filipino Workers (OFWs) na naipit sa kaguluhan sa Sudan.
Sa report ng Department of Migrant Workers (DMW) kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., patungo na sa Egypt ang 335 OFWs kasama ang kanilang pamilya mula sa Khartoum, Sudan nitong Miyerkules.
Ligtas namang nakarating sa Egypt ang naunang 35 OFWs at 15 estudyante sa tulong ng DMW.
Kasalukuyang nasa Egypt sina DMW Secretary Susan Ople at Undersecretary Hans Leo Cacdac upang umasiste sa mass evacuation at pagbibigay ng welfare assistance sa mga Pinoy na biktima na ng giyera sa Sudan.
Ini-report din sa Pangulo na naaksidente sina Philippine Ambassador to Egypt Ezzedin Tago at Vice Consul Bojer Capati habang patungo sa Sudan-Egypt border subali’t ligtas ang mga ito at itinuloy ang pag-asiste sa evacuation.
Itinaas ng Department of Foreign Affairs (DFA) nitong April 26, 2023 ang alert level 3 sa Sudan dahil sa nagaganap na bakbakan.
Sa ilalim ng alert level 3, mangangahulugan ito ng voluntary repatriation at evacuation sa lahat ng mga Pilipinong nagtatrabaho at naninirahan sa Sudan.
Ayon sa DFA, karamihan sa mga Pilipinong nasa Sudan ay mga engineer, mga guro at iilang household workers.