Advertisers
POSIBLENG muling buksan ng Senado ang pagdinig kaugnay sa pagpatay kay Negros Oriental Governor Roel Degamo Jr.
Sinabi ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa, chairman ng Senate Committee on Public Order and Dangerous drugs, na handa silang imbestigahan ang pag-retract o pagbawi sa testimonya ng limang suspek sa pagpatay sa gobernador.
Binigyang-diin ni dela Rosa na wala siyang magagawa kundi muling buksan ang imbestigasyon kahit naka-break na ang sesyon ng kongreso sa susunod na linggo dahil trabaho nila ito.
Ginawa ng senador ang pahayag makaraang mag-manifest sa plenaryo ng Senado si Sen. Alan Peter Cayetano na muling buksan ang pagdinig ng komite ni dela Rosa matapos bawiin ni Jhudiel Osmundo Rivero at ng iba pa ang kanilang testimonya na ibinigay sa imbestigasyon ng Senado.
Sa manifestation ni Cayetano sa plenaryo, nais nito na bigyan ng mas mabigat na parusa sa kasong perjury o pagsisinungaling na hindi pinapansin sa ating bansa o hindi kinakasuhan.
Inihalimbawa rin niya na sa ibang estado sa United States ay maitutulad ang kasong perjury sa malalaking krimen kaya iminungkahi ni Cayetano dapat magkaroon ng katiyakan na mapaparusahan ang nagsisinungaling sa ilalim ng panunumpa.
Sinang-ayunan naman nina Senate President Juan Miguel Zubiri at Blue Ribbon committee chairman Francis Tolentino ang mungkahi ni Cayetano. (Mylene Alfonso)