Advertisers
INAPRUBAHAN na Kamara de Representantes ang panukalang nagtatakda at nagdedeklara sa ating mga maritime zones na sakop ng Pilipinas.
Sa botong 284, ipinasa ng mga kongresista ang panukalang batas na may layung tukuyin at ideklara ang bahagi ng maritime area ng bansa alinsunod sa United Nations Convention on the Law of the Sea o UNCLOS.
Kabilang sa mga nakapaloob dito ang internal waters, archipelagic waters, 12 nautical miles ng territorial sea, 24 nautical miles ng contiguous zone, 200 nautical miles ng continental shelf at 200 nautical miles ng exclusive economic zone o EEZ.
Kinikilala rin nito ang sovereign rights ng Pilipinas sa mga lugar na ito kabilang na ang karapatan na tuklasin at alamin at ang mga non-living resources na makikita sa mga karagatang nasa loob ng teritoryo ng bansa.
Nakasaad din dito ang “Reciprocity and Mutuality” provision na nagbibigay karapatan sa Pilipinas na pagbawalang dumaan o pumasok ang mga foreign vessels o aircraft na kaukulang pahintulot o otorisasyon mula sa kinauukulang ahensya ng pamahalaan.
Giit ng mga kongresista napakahalagang matukoy ang sakop ng Philippine maritime territory para sa ating food and economic security at upang mapalakas ang posisyon ng bansa sa West Philippine Sea sa pamamagitan ng pakikipagnegosasyon sa mga kalapit-bansa sa rehiyon. (Henry Padilla)