Advertisers
NADAKIP ng Customs Inter-Agency Drug Interdiction Task Group (IADITG) katuwang ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang isang babae na nagpanggap na claimant ng parcel na naglalaman ng ecstacy galing Belgium.
Nabatid kay CMEC customs sub-port collector Mark Almase na inaresto ang lady claimant matapos niyang i-claim ang parsela na nadiskubreng naglalaman ng 1.46 kilo ng ecstasy tablets na nagkakahalaga sa street value na P4,964,000 milyon piso.
Ang nasabing kontrabando ay naharang ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) matapos na idaan sa initial inspection sa x-ray machine sa Central Mail Exchange Center (CMEC) na nasa Domestic Road, Pasay City.
Sinabi ni Almase na ang parsela ay nagmula sa Belgium at dumating sa CMEC noong Hunyo 20, 2023 kung saan sumailalim sa x-ray scanning kahapon ng hapon ( Martes ) Hunyo 27, 2023.
Ang parsela ay idineklarang headphones, tumbler, dresses at chopping board na ipinadala ni Maria Suarez ng General Drubbelstraat 42 2600 Berchem, Belgium. Ito ay nakapangalan sa isang nagngangalang Charito Casamello, 38, nakatira sa Manuyo Uno, Las Pinas City.
Ang nasabat na illegal party drugs ay dinala ng Customs authority sa PDEA para sa disposisyon at pagsampa ng kaukulang kaso sa naturang claimant. (JOJO SADIWA)

