Advertisers
Mahigit 5,300 na bakanteng trabaho ang available para sa mga residente ng Caloocan City sa Mega Job Fair na isasagawa ng pamahalaang lungsod sa pamamagitan ng Public Employment Service Office (PESO), sa Hulyo 07 sa Caloocan City Sports Complex.
Inanyayahan ni City Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan ang lahat na makiisa sa nalalapit na job fair para samantalahin ang mga oportunidad sa trabaho na ibinibigay ng pamahalaang lungsod.
“Inaanyayahan ko po ang mga job seekers natin na pumunta sa Mega Job Fair ng pamahalaang lungsod. Sulitin po natin ang pagkakataon na ito upang makahanap ng maayos na hanap-buhay,” wika ni Mayor Along.
Ipinahayag din ni Malapitan ang kanyang pasasalamat sa PESO at sa 53 katuwang na kumpanya sa ginawang posible ng kaganapan at nangakong ipagpapatuloy ang pagsisikap ng kanyang administrasyon sa pagbibigay prayoridad sa mga proyektong pangkabuhayan at trabaho upang mabigyan ng mas komportableng buhay ang kanyang mga nasasakupan.
“Ngayon pa lang ay nagpapasalamat na ako sa pagtutulungan ng PESO at ng mga katuwang na ahensya at pribadong kumpanya upang magbigay ng maayos, ligtas, at disenteng trabaho para sa mga Batang Kankaloo,” pahayag ni Mayor Along.
“Alam po natin ang kahalagahan ng pagkakaroon ng maayos at stable na hanap-buhay kaya naman po bumuo ng pamahalaang lungsod na gumawa ng mga programang maglalapit ng mga oportunidad sa ating mga kababayan. Asahan po ninyo na madadagdagan pa ang ganitong mga klase ng proyekto para sa ikauunlad ng Lungsod ng Caloocan,” dagdag pa ni Malapitan.(BR)