Advertisers

Advertisers

BAGSAK ANG GRADO

0 310

Advertisers

Sa pagpasok sa puno ng Balite ng Malacanan ni Boy Pektus, maganda ang mga binabangit na gagawin upang iangat ang kalidad ng buhay ng bayan higit ni Mang Juan. Ibaba ang presyo ng mga bilihin upang maabot ng mga manghahalal na umasa sa kutob na may magandang pagbabago ang mangyayari sa buhay. Sa mga binitawang salita sa kampanya’t maging sa araw ng panunumpa nariyan ang banggit na walang maiiwan Pinoy higit ang pagkakaroon ng mabuting buhay ang aasahan sa bagong liderato ng bayan. Walang batong ‘di uusog, sa halip pagalawin ang lahat ng masiguro na tataas ang antas ng kabuhayan ng mamamayan. Ito ang binitiwang pangako ngunit ‘di kailangang gawin at tila labis si Mang Juan na pinangakuan na gusto pang tuparin, ano ka swerte.

Isang taon ang kumilos sa buhay ni Mang Juan lalong dumausdos ang kabuhayan sa halip na tumaas. Samantala, sa pagkaibig na maisaayos ang kabuhayan ni Mang Juan, pinili ni Boy Pektus na tutukan ang Kagawaran ng Agrikultura’t Sakahan bilang Kalihim sa layon na matupad ang pangakong pagbaba ng halaga ng mga produktong pansakahan at seguridad sa pagkain. Inibig na ibaba ang halaga ng bigas sa P20.00, subalit sa salita lamang at ‘di nagawa. Parang tsubibong tumigil na nasa itaas ang mga sakay’ na maririnig sa pagsigaw na ibaba presyo este ang tsubibo. Tumigil ang sirang makina na hinayaang manatili ang mga lulang sakay sa itaas na naghihintay kung kailan makabababa. Ang masakit ‘di marunong kumumpuni ang nagpapatakbo ng tsubibo at kumuha ng mekaniko na kasing tanda ni Matusalem. Sa katandaan nakakalimot na ito at ‘di na kaya ang mabigat na trabaho. Patay kang Mang Juan, ang sagipin ang sarili at ang pamilya ang siyang gawin at huwag umasa kay Boy Pektus.

Sa isang taon ng pananatili sa poder ni Boy Pektus bilang pangulo at kalihim ng DA tila bumigat ang pasanin ni Mang Juan sa mahal ng presyo ng asukal na konsumo sa araw araw. Walang saysay ang pagiging kalihim ni Boy Pektus dahil hindi nito nagawang pababain ang presyo ng bigas ngunit napataas ang presyo ng asukal. Sa pag-uusisa nabatid na ang pagtaas ng presyo ng asukal kagagawan ng ilang cartel na malapit kay Galema ng Malacanan. At nasundan ng pagtaas presyo ng sibuyas na umabot halos langit ang halaga na muntik ng ‘di makilala ni Mang Juan ang kaibahan nito sa ubas. At ng tumatag ang presyo kuno, malayo ito sa presyong kinagisnan ng bayan. Hirap nang pag-abutin ni Mang Juan ang dalawang dulo ng sinturon sa mahal ng bilihin na siyang kailangan sa araw-araw. Ang mabigat dito sa mahal ng presyo ng bilihin ang Pinoy ang nag mumura.



Isang taon sa poder, namasyal sa maraming lugar sa mundo higit sa mga bansang malapit sa pinaglagakan ng yaman na ‘di maipaliwanag. Sa opisyal-pasyal layon ang makapangalap ng mga namumuhunan na maglagak ng puhunan sa bansa. Sa kasawiang palad sa isang taong opisyal-pasyal walang napabalitang pumasok na mamumuhunan sa bansa na sana ay nagpapagalaw ng kabuhayan ng bansa. Masakit sabihin ngunit puro tulak ang naganap sa opisyal-pasyal at walang return-on-investment sa bansa. Sa pagkabigo na akitin ang mamumuhunan lumalabas na pabigat ang ngalang bitbit dahil sa nakaraan. Mailap ang mga negosyante na maglagak ng puhunan kahit ang nagsisiguro mismo ang lider ng bansa na aalagaan ang puhunan at mamuhunan sa bansa. Maraming nakausap, maraming pangakong pagpasok ng negosyo ngunit nasaan. Mang Juan baka ibig mamuhunan?

Sa tanong kay Mang Juan na mamuhunan, nariyan at tila nilagdaan na ang Maharlika Investment Fund na ‘di batid kung saan kukunin ang salaping ipupuhunan. Dahil walang ibig maglagay ng Negosyo sa bansa bakit ‘di gamitin ang salapi ng ilang GOCCs/GFIs upang pagalawin ang kabuhayan sa bansa. Gamitin ang mga salapi na nagbibigay ng hanapbuhay sa maraming obrerong Pinoy, ilagay sa real estate business tulad ng panukala ng taga sulong ng batas sa senado. Ano masasabi ni Mang Manny, daig ka ng asawa mo.



Sa lumipas na isang taon ng pamahalaan ni Boy Pektus, na naulinigan ang pagka ibig nitong mapaloob sa opisina ng OP ang PHILHEALTH na kasalukuyang nasa poder ng DOH. Sa pagkaibig na nakapaloob sa sangay ng OP ang PHILHEATH, tila may nakikita si Mang Juan na maaaring maganap sa bilyong-bilyong piso na pera ng nabangit na ahensya. Ang kagiliwan na palaguin ang kabuhayan ng bayan ay tila taliwas sa kilos sa layon na mahawakan ng pondo ng PHILHEALTH. Tamang duda ang nakararami na magagamit ang pera nito sa ‘di tamang paggagamitan sa oras na ipasok sa OP. Boy Pektus kasing halaga ng kabuhayan ang kalusugan, huwag alisin yan sa sariling karanasan.

Sa totoo lang, mababa ang grado ng pamahalaang ito sa maraming sangay ng pamamahala, higit ang mga napiling tumao sa mga kagawaran ng gobyerno. Walang nakitang paggalaw upang hikayatin ang mga Pinoy na mamulat sa kalagayang dinaranas. Nariyan ang kagawaran na ginagawang pala-asa ang Pinoy sa mga ayudang pansamantala. Nariyan ang Fiasco sa DOT na nabuko ang pagmamahal. Nariyan ang mga logo na ginagastusan ng napakalaking halaga gayung hindi nakitaan ng ganda. Nariyan ang kalihim ng DepEd na ibig na maging palasunod ang kabataan sa pagbabalik ng CAT / ROTC bilang paghahanda kuno sa maaaring kaganapan sa bansa. Nariyan na puro naantala ang mga pag alis at pagpasok ng local na eroplano mula sa pinagmulang lugar sa labas ng bansa tungo sa Paliparan ng bansa. At marahil isang dahilan kung bakit ‘di pumapasok ang negosyante sa bansa. Nariyan si NoJoke na nakailang salin na ng pamahalaan na kahit walang maayos na produksyon nariyan pa rin. Tibay ng agimat mo, Sir.



Samantala, naka dalawang salin na ang liderato ng pulis at kasundaluhan ngunit lumamya ang laban kontra sa krimen higit ang krimen sa kakalsadahan. Sa mga nakalap na impormasyon, dumarami ang pang-abuso ng mga unipormadong tauhan na siyang tampulan ng pagdinig sa lehislatura higit ang laban sa droga. Sabit ang matataas na tauhan sa usapin at maging ang dating hepe nito’y ibig lumuhod para magsabi ng totoo ang dating mga tauhan. Ang uri ng liderato ang susi upang mapatino ang mga tauhan. Madalas ang bombahan sa maraming pamayanan sa kanayunan sa bansa laban kuno sa makakaliwang grupo. Ngunit paano na ang pamilya ni Mang Juan na nasa gitna ng giyerang ibig ng butangera.

Sa totoo lang hindi tanggap na mabigyan ng pasadong grado ang pamahalaan ni Boy Pektus, ang trilyong gastos sa isang taon na walang magandang balik na kay Mang Juan ang basehan ng bagsak na grado sa lumipas na taon. Ang magdalawang hakbang sa mahusay na pamamahala ang inaasahan nang palitan ng pasado ang bagsak na grado.

Maraming Salamat po!!!