Advertisers
KINUMPISKA ng mga tauhan ng Bureau of Animal Industry (BAI) ang ibat-ibang processed meat products na tumitimbang ng 51.5 kgs matapos na mabigo ang dalawang pasahero na magpakita ng kaukulang dokumento sa dala nilang produkto, pagdating sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) galing Indonesia noong Huwebes.
Ayon sa ulat ng BAI-Port of NAIA, dumating ang dalawang pasahero sakay ng PAL flight PR -536 na lumapag alas 7:00 ng umaga sa NAIA terminal 1.
Base sa impormasyon, naharang ni Bureau of Customs examiner Norman Penaflor ang dalawang pasahero na may dalang mga produkto kabilang ang mga hotdogs, marinated na chicken nuggets at iba pang processed meat products dahilan upang dalhin ito sa nasabing tanggapan.
Nabigo ang dalawang pasahero ng magpakita ng certificate at import permit sa dinalang mga produkto na mahigpit na ipinagbabawal na makapasok ng Pilipinas dahil sa pinangangambahang sakit na dala nito.
Ang mga nakumpiskang mixed processed meat products ay dadalhin ng BAI sa kanilang pasilidad para sa tamang disposal.
Samantala nasa 4.1 kgs naman ng ibat ibang halaman ang kinumpiska ng Bureau of Plant Industry sa NAIA dala ng isa pang pasahero mula Jakarta Indonesia sakay ng PAL flight PR -536 na lumapag sa NAIA terminal 1. (JOJO SADIWA)