Advertisers

Advertisers

HEPE NG PULISYA SA MINDORO SABIT SA PAGBULAG SA KASAMBAHAY

0 1,233

Advertisers

IDINETALYE ng kasambahay ang pang-aabuso na ginawa sa kaniya ng kaniyang mga amo sa Mamburao, Occidental Mindoro.

Isang opisyal ng pulisya rin ang kasama sa sinampahan ng reklamo nang pagbantaan ang naturang kasambahay kapag nagsumbong ito.

Sa ulat, nabulag ang 44-anyos na kasambahay nang paulit-ulit na bugbugin ng kanyang amo.



Sa sinumpaang salaysay ng biktimang si Elvie Vergara, August 7, 2017 nang magsimula siyang manilbihan sa mag-asawang France at Pablo Ruiz alyas Jerry at sa dalawa nitong anak sa Mamburao.

Ayon kay Elvie, noong una ay maganda ang pakikitungo sa kaniya bilang kasambahay na may sweldong P5,000 kada buwan.

Pero taon 2020, nagsimula ang kalbaryo ni Elvie. Halos araw-araw umano ang ginagawang pananakit ng kaniyang among si France, kungsaan sinusuntok, tinatadyakan, sinasabunutan, iniuumpog at pinapalo pa sa siya sa iba’t ibang parte ng katawan at maging sa ulo.

Pinagbintangan umano si Elvie ni France na ninakaw ang pera at relo at nilalagyan umano niya ng kalawang, at iba pang hindi kanais-nais na bagay ang nilulutong pagkain para sa pamilya na pawang kasinungalingan naman.

Katulong umano sa halinhinang pananakit sa kaniya ng pisikal at verbal na pang-aabuso ang asawa ni France at dalawang anak.



Dahil sa paulit-ulit na panununtok ni France sa kaniyang kaliwang tenga ay pumutok ito, dumugo at nagkaroon ng impeksyon kaya nasira ang kaniyang tenga.

Kinakaladkad din daw siya ni France patungong comfort room at doon din siya binubugbog at iniuuntog ang ulo sa dingding ng toilet hanggang sa dumugo.

Kapag dumugo na ang kaniyang ulo at katawan, papaliguan siya at bibihisan ng kaniyang amo.

Dagdag pa ni Elvie, pinapakain din siya ng sili.

Noong January 2021, sinuntok ni France ang kaliwang mata ni Elvie at pinukpok ng sandok hanggang sa magkasugat at paulit-ulit itong ginagawa sa kaniya hanggang mabulag ito.

Pero kahit bulag na ang kaniyang kaliwang mata, hindi parin natigil ang pagmamaltrato sa kaniya ng mga amo.

Ang anak na babae ng mag-asawang Ruiz, pinaghahambalos din siya ng hanger at sinturon ng kaniyang ama na si Pablo alyas Jerry.

Kapag lasing naman si Jerry, hinihila siya sa damit at inihahahagis sa lamesa at minsan inuumpog din siya sa pinto ng kuwarto, na susundan pa ng pananakit ni France, sinasakal siya na halos lumawit na ang kaniyang dila na muntik narin niyang ikamatay.

Inuumpog din daw siya sa freezer at isinusubsob sa kalan na may apoy.

Dagdag pa ni Elvie, kahit natutulog na siya ay sinuntok parin siya kaya nasira ang kaniyang pustiso.

Minsan hinablot din ni France ang kaniyang buhok at pinaikot-ikot siya na parang trumpo habang pinagsisisipa katulong ang anak.

Di pa nakuntento, hinampas din umano siya ng panungkit ng damit. Minsan iginapos din siya sa poste at hinahampas ng malapad na kahoy ni Jerome sa utos ng inang si France.

Isinusubsob din daw siya sa dumi ng aso at pinapakain ng pagkain ng aso.

Inuutos din umano ni France sa boy ng tindahan na hilahin siya at sipain.

Noong 2021, nagawa makatakas ni Elvie at nakarating sa Barangay 7 sa Mamburao at nagsumbong sa barangay hall.

Pero sa halip umanong tulungan siya, tinawagan ng kapitan ng barangay si Jerry para maibalik siya sa bahay.

Ikinulong si Elvie ng kaniyang amo sa likod ng bahay na may bakod na mataas at may gate na maliit na laging sarado.

Nang ma-rescue si Elvie, pilit itong gustong kausapin ng pamilya Ruiz at ng isang pulis na nakilala sa pangalang Liza na pinsan ng among lalaki.

Muli, nakaranas si Elvie ng pananakit kungsaan pinaghuhubad pa siya ng kaniyang amo na walang itinitirang saplot sa katawan at pinukpok pa ng martilyo ang kaniyang ari.

Tinakot pa umano si Elvie ng among babae na huwag magsusumbong sa mga pulis dahil malakas daw sila sa hepe ng pulis sa Mamburao at may pinsan din silang pulis.

Taon 2022, dahil sa paulit-ulit ang panununtok muli ni France at ng anak na si Jerome sa mata ni Elvie, nabulag narin ang kanang mata nito at ilang beses din umano siyang hinampas ng kumpol ng mga susi.

Nitong May 2023, nagdesisyon ang mag-asawang France at Pablo na ilipat si Elvie sa bahay ng kanilang anak sa Pallocan West, Batangas City at doon ikukulong.

Sa bahay sa Batangas City, nagpatuloy pa rin ang pisikal na pang-aabuso kay Elvie.

Habang wala ang amo, naawa kay Elvie ang isang kasambahay at tinulungan siya, kinunan ng larawan at pinost sa facebook.

Agad itong nakita ng kapatid ni Elvie hanggang sa mailigtas nila ito June 28, 2023 na nagtapos na sa halos tatlong taon impyernong kalagayan nito.

Matapos ma-rescue si Elvie, pinuntahan pa siya ng kaniyang among lalaki sa bahay ng kaniyang mga kapatid at tinangka suhulan ng P20,000.

Dagdag pa ni Elvie, hindi rin siya nakatanggap ng sweldo mula sa kaniyang mga amo.

Kinasuhan sa Batangas City Prosecutors Office ang mag-asawang France at Pablo Ruiz, at sa dalawa nitong anak ng serious illegal detention, Trafficking of Persons Act, serious physical injuries, at paglabag sa Kasambahay Law.

Ayon sa abogado ni Elvie na si Atty. Jovito Gambol, bukod sa Batangas City Prosecutors Office, nakatakdang maghain sila ng hiwalay na kaso sa Occidental Mindoro Provincial Prosecutors Office laban sa mga umabuso kay Elvie.

Samantala, tahasamg itinanggi ni PEMS Maria Eliza Palabay, hepe ng Mamburao Police Community Relations, na tinakot niya si Elvie Vergara para huwag magsumbong sa pagmamaltrato sa kaniya ng pamilya Ruiz.

Itinanggi rin ni Palabay na kamag-anak niya ang pamilya Ruiz.

Kasama si Palabay sa mga inireklamo ni Elvie Vergara sa Batangas City Prosecutors Office.