‘Pumili ng mahusay na kandidato’ – Mayora Honey
Advertisers
NANAWAGAN si Manila Mayor Honey Lacuna sa lahat ng mga residente ng lungsod na pumili ng mahusay na kandidato nang hindi masayang ang boto.
Ginawa ni Lacuna ang panawagan sa unang araw ng filing ng certificates of candidacy (COCs) para sa mga tumatakbo sa Barangay at Sangguniang Kabataan election (BSK).
Sa kanyang maiksing mansahe, hinikayat ni Lacuna ang mga botante na bigyang kunsiderasyon ang karakter ng isang kandidato at kung ito nga ay seryoso sa public service.
Ayon kay Lacuna, ang papel ng isang barangay leader ay napakahalaga dahil sila ang tagapamagitan sa local government.
Bagamat ang city government ay direkta na kung minsan sa mga nasasakupan nito, ang barangay, ayon kay Lacuna ang siyang tagapag-ugnay sa grassroots level sa iba’t-ibang departmento at tanggapan sa local government.
Binigyang diin ni Lacuna na sa pamamagitan ng barangay authorities ang city government ay nalalaman kung ano talaga ang tunay na kailangan at gusto ng tao sa usapin ng libreng basic services.
Sa kabilang banda, sa pamamagitan din ng barangay ay nakikipagkomunikasyon ang lokal na pamahalaan ng kanilang mga programa, bagong reglamento at gawain para sa mga residente.
Tiniyak din ng lady mayor na gagawin ng kanyang administration ang lahat upang matulungan ang mga barangay na matamo nito ang kanilang hangarin na matulungan ang kanilang nasasakupan ng husto. (ANDI GARCIA)