Advertisers
BINIGYANG pagkilala ng NAPOLCOM at Calabarzon-4A PNP ang lokal na Pamahalaan ng Luisiana at Police Station sa pinaigting na kampanya kontra droga.
Ito’y sa pamumuno ni Luisiana, Laguna Mayor Jomapher Uy Alvarez, at Chief of Police Major Glenn DR Cuevas sa 122nd Police Service Anniversary sa Camp Vicente, Lim, Calamba City nitong nakalipas na linggo.
Ang paggawad ng Plaque of Recognation kina Mayor Uy Alvarez at Maj. Cuevas ay dahil sa Drug Cleared Municipality ng Luisiana.
Mismong sina PRO4A-Regional Director, Brig. General Carlito Gaces; at PNP Chief, General Benjamin Acorda Jr., ang nag-gawad ng plaque sa hepe at alkalde.
Kasunod nito, pinagkalooban din ng Certificate of Commendation sina Mayor Alvarez at Maj. Cuevas ng National Commission-4A Laguna Provincial Officer Atty. Mia Antonette M. Quijano at Laguna PNP Provincial Director Col. Harold Depositar sa 29th Crime Prevention Week sa Camp Paciano Rizal, Sta. Cruz, Laguna.
Ayon sa ama ng Pambansang Pulisya, ang magandang samahan at pagtutulungan ng lokal na Pamahalaan at kapulisan kasama ang Advocacy Support Group ay lubos na nakakatulong at nagbibigay kagalakan upang maipagpatuloy ang pagpapanatili ng kaayusan at pagbibigay ng serbisyo sa kumunidad at bayan ng Luisiana. (EDWIN MORENO)