Advertisers

Advertisers

‘KALASWAAN’ NG KULTONG SBSI IBINUKING SA SENADO

0 49

Advertisers

HUMARAP sa imbestigasyon ng Senate Committee on Public Order and Safety ang lider ng kultong Socorro Bayanihan Services Inc. (SBSI) na si Jay Rence Quilario na tinatawag din ng grupo na “Senyor Agila” at sinasabing reincarnation ni Senyor Sto. Niño.

Iniimbestigahan ng komite ang natanggap na sumbong mula kay Socorro, Surigao del Norte Mayor Riza Timcang kaugnay ng umano’y shabu laboratory sa loob ng SBSI community, presensya ng mga armado na mga dating pulis, panghahalay ni Senyor Agila sa mga menor de edad, forced labor at hindi pagpapalabas sa mga kabataan, sapilitang pagpapakasal sa mga kabataan at sa mga miyembro ng kulto at iba pang paglabag sa karapatang pantao.

Sa pagdinig, pilit namang itinanggi ni Quilario ang lahat ng akusasyon na ibinabato laban sa kanya.



Dahil sinasalungat ng lider ang pahayag ng mga testigong iniharap sa Senado, dalawang beses nagbanta si Senador Ronald “Bato” dela Rosa, chairman ng Committee on Public Order and Safety, laban kay Quilario na ipakulong kapag patuloy na nagsinungaling sa harap ng mga senador.

Iniharap naman ni Senador Risa Hontiveros ang mga menor de edad na testigo na tumakas sa kulto, sina alyas “Jane”, alyas “Renz” at alyas “Coco”.

Isinalaysay ni Jane ang sapilitang pagpakasal sa kanya noong siya ay edad 14 anyos sa lalaking 18-anyos na hindi niya kilala, pagpaparusa sa kanila kapag hindi sumunod sa utos ni Senyor Agila na makipagtalik sa itinakda sa kanilang asawa, sapilitang pagtatrabaho, pagbabawal na sila ay mag-aral at hindi pagpayag na makalabas sila sa kapihan.

Sina Renz at alyas Coco naman ay mga edad 12 nang ipasok sa SBSI para mag-military training, at katulad ni alyas Jane nakaranas din ng malupit na pagpaparusa at sapilitang pagtatrabaho.

Napag-alaman din sa pagdinig na kahit may asawa na ang mga miyembro na nasa hustong edad ay pilit na ipinaaasawa ni Senyor Agila sa iba, na kapag hindi sinunod ang utos na makipagtalik sa kanilang bagong asawa ay mahaharap sa parusa.



Kinontra rin ni Mayor Timcang ang pahayag ni Quilario na pinapayagang mag-aral at makalabas ang mga kabataan sa SBSI. Batay, aniya, sa rekord ng Department of Education sa kanilang lugar, noong 2019 ay mahigit 800 learners mula elementary hanggang high school ang nag-drop sa kanilang pag-aaral.

Samantala, pinatunayan naman ito ni Mark Virgil Gelsano, dating miyembro ng private army ni Senyor Agila na umalis sa grupo noon August 2022.

Ayon kay Gelsano, ang mga opisyal ng kulto na sina Janet Ajoc, Rosalie Sanico at Karen Sanico ang nagdadala kay Senyor Aguila sa mga bata at ipapares ng lider ang mga ito at kanyang ikakasal.

Iginiit pa ni Gelsano na mula 12 anyos sa mga babae, at 18 anyos naman sa mga lalaki, ang sapilitang ipinakakasal ni Senyor Agila at sapilitan din pinagtatalik matapos ang kasal.

Isinalaysay pa ni Gelsano na may isang batang babae na tumakas na kanilang hinabol at nang mahuli ay sapilitan parin siyang ikinasal.

Sinabi naman ni Jane na mismong si Senyor Agila ay nagtangka na makasiping siya kahit may asawa na subalit tumanggi siya.

Dahil dito, kinuwestiyon ni Sen. Dela Rosa si Janet kung may anak siya na 12 anyos at papayag ba siya na gawin sa kanyang anak ang sapilitang pagpapakasal.

Agad naman sinabi ni Janet na hindi siya papayag. Subalit agad na binuking ni Gelsano na may anak si Janet na 12 anyos na sapilitang ipinakasal at may anak narin ito.

Inamin naman ni Janet na nabuntis ang kanyang anak dahil nagkaroon ng kasintahan sa kapihan subalit hindi ito ikinasal.

Nanindigan ang testigong si Gelsano na kitang kita niya na ikinasal ang minor de edad na anak ni Janet.

Dahil dito nagbanta ang Senador na kung mapapatunayan na nagsisinungaling si Janet, kanya itong ipapakulong sa Senado.(CESAR MORALES/MYLENE ALFONSO)