Advertisers

Advertisers

2 Pinoy binitay sa China sa droga, may 2 pang nakapila

0 6

Advertisers

KINUMPIRMA ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang pagbitay sa dalawang Pinoy sa China na nahatulan sa kasong drug trafficking.

Ayon sa DFA, ang pagbitay sa dalawang Pinoy ay nangyari Nobyembre 24, 2023 sa pamamagitan ng ‘lethal injection’.

Ang dalawang Pinoy, na hindi na pinangalanan bilang paggalang sa kahilingan ng kanilang mga pamilya na magkaroon ng privacy, ay nasa death row mula nang masentensyahan noong 2016.



Sinabi ng DFA na pinagbigyan naman ang dalawang convicts na makausap ang kanilang pamilya bago isinagawa ang execution.

“We offer our most sincere condolences to their families and loved ones. We respect the wishes of their families for privacy, and as such are withholding the identities of the 2 Filipinos,” anang DFA.

Ginawa, aniya, ng gobyerno ng Pilipinas ang lahat ng hakbang upang mapababa ang sentensiya ng 2 Pinoy at nagbigay ng lahat ng posibleng tulong, kabilang ang legal assistance mula nang sila ay arestuhin noong 2013 hanggang sa pag-apela sa kanilang 2016 conviction.

Sinabi rin ng DFA na pinagtibay ang hatol sa dalawa at dapat igalang ng Pilipinas ang mga batas at proseso ng batas ng China.

Samantala, may dalawa pang Pinoy na nahatulan din ng kamatayan. Nasa final review na ang conviction ng mga ito.



Muling nagpaalala ang DFA sa lahat ng Pilipinong nagnanais maglakbay sa ibayong dagat na maging mapagbantay sa modus ng mga sindikato ng droga kungsaan posible sila maging drug mules.

Matatandaan na si Mary Jane Veloso, isa ring OFW, ay nananatili sa death row sa Indonesia para sa conviction sa drug trafficking. Nanindigan siya na ang mga bagahe na ginamit niya ay ibinigay lamang sa kanya ng kanyang recruiters sa trabaho at hindi niya alam na may droga sa loob.