Advertisers
Bawat departamento o ahensiya ng ating gobyerno ay may kanikaniyang mandato na nilikha ng mga magigiting nating mambabatas mula sa hanay ng CONGRESS at SENATE hanggang mapirmahan ng PRESIDENT ng ating bansa para sa pagiging ganap na BATAS.., upang sundin sa pagpapataw ng kaukulang parusa sa mga magkakasala na walang sinumang kikilingan.
Yun nga lang, may mga GOVERNMENT OFFICIAL tayong may mga isinasaalang-alang pa rin lalo na sa pinagkautangang-loob o kaya naman ay ang sitwasyong makapanatili sa posisyong ginagampanan.., kaya, may mga pagpapasiya o desisyong naisagawa subalit paglipas ng ilang saglit ay binabago ang naging hatol.., ika nga LARGA-BAWI ang kinasasadlakan!
Tulad na lamang sa tagapangasiwa ng DEPARTMENT OF NATURAL ENVIRONMENT AND NATURAL RESOURCES (DENR) na si SECRETARY MARIAN ANTONIA YULO-LOYZAGA.., na hugas-kamay sa kaniyang aksiyon nang sabihin niyang wala raw sa kaniyang mandato ang magsuspinde sa anumang aktibidad na nakapipinsala sa kalikasan.., at hindi rin aniyang trabaho ng kanyang departamentong bawiin ang iginawad na suspensyon.
Tulad na lamang po sa usaping MANILA BAY RECLAMATION ay pansamantalang sinuspinde noong August 2023 ng DENR.., na ang pahayag ni SEC. ANTONIA YULO-LOYZAGA ay kasunod sa naging pahayag ni PRESIDENT FERDINAND “BONGBONG” MARCOS JR na lahat maliban sa isang reclamation project ay sinuspinde.
Bunsod nito.., ang mga ENVIRONMENTALIST sa buong bansa ay hinimok ang DENR na mapangalagaan, mapangasiwaan at maisulong ang wastong paggamit ng likas na yaman ng bansa.
Mga ka-ARYA.., ayon sa mga ENVIRONMENTALIST ay malinaw ang mandato ng DENR sa ilalim ng Executive Order 192 na nilagdaan noong 1987 ng yumaong si FORMER PRESIDENT CORAZON COJUANGCO AQUINO ay responsibilidad ng DENR ang pangangalaga, pangangasiwa at pagsusulong sa wastong paggamit ng likas na yaman ng ating bansa.
Ika nga.., ang DENR ang bida sa mga aspetong usapin hinggil sa ating mga kalikasan.., yun nga lang ay umeksena ang LARGA-BAWI dahil matapos ang 3-buwang suspension ay nagbago ang ihip ng hangin o sitwasyon hinggil sa nasabing usapin.
Matapos kasing bawiin ang SUSPENSION ORDER na ipinataw sa 2 RECLAMATION PROJECT sa lugar na nasasakupan ng PASAY CITY ay inihayag ni YULO-LOYZAGA ang litanysang .., “the DENR neither suspended, nor lifted suspension.”
Ang masaklap.., nagturo pa ng ibang ahensya ang anak ng isa sa pinakamalaking haciendero.., na aniya ay… “it is a matter to be handled by the Philippine Reclamation Authority.”
Teka.., kung wala rin naman palang silbi ang DENR sa naturang usapin na ang nakasalalay ay ang kapakanan sa kalikasan ng ating bansa e ano pa ba ang silbi nito sa ating sambayanan?
Bunsod niyan ay hinde maiwasan ng mga ENVIRONMENTALIST GROUP sa ating bansa na pagdudahan si ENVIRONMENTAL SECRETARY.., na ang pamamalagi nito sa kaniyang puwesto ay hinde ang pagkakaroon ng suweldo dahil barya lang ito kung ikukumpara sa negosyo ng kanilang angkan.., na ang pamamalagi nito sa pagiging DENR SECRETARY ay upang maprotektahan daw ang kapakanan sa malawak na lupain ng kanilang angkan sa lalawigan ng PALAWAN?
Naku.., e lalong mahaharap sa matinding sakit ng ulo si SEC. YULO-LOYZAGA niyan sa patutsada ng mga ENVIRONMENTALIST kung iiral ang pabago-bagong desisyon nito hinggil sa mga isyung pangkalikasan!
***
Kung may reaksiyon lalo na sa mga nakakanti ng ating kolum ay maaari po kayong mag-email sa corpuzirwin074@gmail.com o magtext lamang sa 09194496032 para sa inyo pong mga panig.