Advertisers

Advertisers

Tindera hinoldap na, sinaksak pa

0 12

Advertisers

Arestado ang isang construction worker na nangholdap at nanaksak ng tindera ng ukay-ukay sa Valenzuela city nitong Biyernes.



Kinilala ang suspek na si alyas Aksel, 30, residente ng Naga City, Bicol. At ang biktima kinilalang si alyas Renalyn, 19, nakatira sa Canumay West, ng lungsod, helper at kahera sa tindahan ng ukay-ukay na nasa Tongco St., Barangay Maysan, Valenzuela.

Nagpanggap na kostumer ang suspek at nang makakuha ng tiyempo tinutukan ng kutsilyo sa leeg ang biktima at ipinasok sa loob ng banyo, at doon sinuntok ni Aksel si Renalyn sa mukha at sinaksak ng dalawang beses sa tiyan.

Nawalan ng malay ang biktima at nang muling magkamalay, natuklasan nitong nawawala na ang P3,500 na pinagbentahan na nasa loob ng kanyang belt bag.

Agad namang dumating ang ambulansiya nang tawagan ng mga tanod ng Maysan at itinakbo si Renalyn sa Valenzuela Medical Center sa Karuhatan.
Nang suriin ang closed circuit television footage, nakitang iba na ang suot na damit ng suspek paglabas sa tindahan, saka sumakay sa tricycle at bumaba sa kanilang construction site.

Pansamantalang naninirahan sa construction site na nasa R.Jacinto St., Canumay West, Valenzuela si Aksel, at dito na siya naaresto ilang oras lamang matapos ang insidente.

Nabatid na nagpalit ng damit ang suspek matapos gawin ang krimen saka tumakas, at nakababad pa sa timba ang puting t-shirt niyang hinubad na pinalitan niya ng itim.

Positibong kinilala ng biktima ang suspek na ito ang sumaksak sa kanya nang dalhin ang huli sa ospital habang naka-confine ang biktima.

Kasong robbery with serious physical injuries ang haharapin ng suspek.(Beth Samson)