Advertisers
HUBO’T hubad na duguang nakahandusay sa loob ng banyo ang isang babae nang pasukin at pagbabarilin habang naliligo ng isang lalaki sa Barangay Talaba 2, Bacoor City.
Kinilala ang biktima sa alias “Angel”, nasa hustong gulang, ng Tabing-Dagat, Barangay Talaba 2, Bacoor City, Cavite; habang tinutugis pa ng pulisya ang suspek na tinukoy lang sa alyas “Joel” na nagpapadala ng pagbabanta sa biktima.
Sa ulat, 8:30 ng gabi nang maganap ang insidente sa loob ng bahay ng biktima.
Sa salaysay ng ina ng biktima, kasalukuyang naliligo ang kaniyang anak sa kanilang banyo nang may biglang pumasok na lalaki sabay salya sa pintuan ng palikuran at pinagbabaril ang biktima.
Nang makarinig ng mga putok, agad pinuntahan ng ina ang banyo at tumambad sa kanya ang anak na duguang nakabulagta.
Sa pagsisiyasat ng pulisya at sa pahayag ng ina, ilang araw nang nakatatanggap ng pagbabanta sa buhay ang biktima mula sa nagngangalang “Joel”.
Nagsasagawa pa ng follow-up operation ang pulisya laban sa suspek.