Taiwanese na wanted sa human trafficking, huli ng mga ahente ng BI
Advertisers
INANUNSYO ng Bureau of Immigration (BI) ang pagkakaaresto ng isang Taiwanese national na wanted ng mga awtoridad sa Taipei dahil sangkot sa human trafficking.
Sa ulat kay Immigration Commissioner Norman Tansingco, sinabi ng mga operatiba ng BI fugitive search unit na ang nahuling dayuhan ay si Yuan Bo-Chun, 29 anyos, na nadakma nitong Lunes sa kanyang tirahan sa Kalayaan Avenue and Mercado Street, Makati City sa pakikipagtulungan ng Regional Special Operations Group-Regional Intelligence Division (RSOG-RID) National Capital Region (NCR) at Taiwanese authorities.
Ang arresting team ay armado ng mission order mula kay Tansingco, makaraang makatanggap ng impormasyon mula sa Taipei Economic and Cultural Office (TECO) sa Manila.
Sinabi ni BI-FSU chief Rendel Ryan Sy na ang paghuli kay Yuan ay hiniling ng Taiwanese authorities matapos mapag-alaman na ang pugante ay lumipad ng Pilipinas upang takasan ang kanyang krimen.
Nabatid pa kay Sy na may warrant na inilabas para sa pag-aresto kay Yuan at ito ay mula sa Taiwan Taipei district prosecutor’s office noon pang November 2023. Sa pagsisiyasat sa kanyang travel record ng BI lumalabas na siya ay huling dumating sa bansa noong Sept. 15, 2019 at hindi na umalis mula noon.
Ayon kay Tansingco ang pagkakaaresto kay Yuan ay “another proof that crime does not pay and that the long arm of the law eventually catches wanted criminals who hide and elude arrest to evade prosecution.”
“There will be no letup in the BI’s campaign to go after wanted foreign fugitives who use the Philippines as their refuge or sanctuary,” dagdag pa nito.
Ang Taiwanese ay dinala sa BI warden facility sa Camp Bagong Diwa, Taguig kung saan ito mananatili hanggang sa i-deport.
Samantala, habang nagsasagawa ng operasyon ang mga operatiba ng FSU ay na-encounter ng mga ito sa loob ng bahay ni Yuan ang 22-anyos na Taiwanese na si Lin Jyun-Ze na naaktuhan gumagawa ng pandaraya sa telecommunications at nagtataglay ng ilang matataas na armas at iligal na droga.
Natagpuan din ng FSU at RSOG-RID NCR ang ilang units SMS modems, daan-daang active sim cards na nakarehistro sa iba’t-ibang pangalan, maraming bala at high-powered firearms at malalaking bulto ng high-grade marijuana.
Si Lin ay dinala sa National Capital Region Police Office sa Camp Bagong Diwa habang hinihintay ang pagsasampa ng kaukulang kaso sa local courts. (JERRY S. TAN/JOJO SADIWA)