Advertisers

Advertisers

‘CHECKS AND BALANCE’ SA GOBYERNO, LULUSAWIN NG PI — BONG GO

0 7

Advertisers

Ipinahayag ni Senador Christopher “Bong” Go ang kanyang matinding pagtutol sa nagpapatuloy na People’s Initiative dahil posibleng mawala ang “checks and balance” sa gobyerno kapag nangyari ito.

Sinabi ni Go na nagkaisa silang mga senador laban sa PI na naglalayong baguhin ang Saligang Batas at naglabas sila ng sentimyento ukol sa magiging implikasyon nito sa mamamayang Pilipino at sa demokratikong balangkas ng bansa.

Ayon kay Go, “unanimous” ang desisyon ng Senado na tutulan ang People’s Initiative sa pamamagitan ng manifesto na nilagdaan ng lahat ng mga senador noong Martes.



“Unanimously, 24-0 pumirma po sa manifesto… lahat po ng senador ay tutol dito sa People’s Initiative dahil alam naman natin na, I’m sure, na hindi po na-explain nang mabuti sa publiko yan kung ano yung napapaloob do’n sa pinapapirma sa kanila,” sabi ni Go.

Binigyang-diin ng senador na mahalagang mapangalagaan ang Konstitusyon at ang Senado bilang isang institusyon upang matiyak na mayroong ‘checks and balances’ sa gobyerno.



Dagdag niya, ang anumang panukalang pag-amyenda sa konstitusyon ay dapat nakatuon sa kapakanan ng mga ordinaryong mamamayang Pilipino at hindi para sa politikal na pakinabang ng sinuman.

“Unahin po natin ang interes ng ordinaryong mamamayang Pilipino. Hindi po ang pulitiko ang dapat na makikinabang dito. That has been my position at hindi po nagbago yan,” ani Go.



Binigyang-diin sa manifesto ng Senado ang mga panganib sa itinutulak na PI na ang Senado at House of Representatives ay magkasamang boboto, imbes na magkahiwalay bilang isang constituent assembly sa pag-amyenda sa Konstitusyon.

“Kung ang nakalagay doon is voting jointly na po ang gagawin, papano po yung checks and balances ng gobyerno,” kuwestiyon ni Go.

Idiniin ni Go na kritikal ngunit pantay ang tungkulin ng Mababang Kapulungan at ng Mataas na Kapulungan na siyang Senado sa proseso ng pambatasan ng Pilipinas.

“Kaya nga po tayo may Lower House, kaya nga po mayroon tayong Senado para kapag ipinasa ang batas, o yung bill sa Lower House ay may magtse-check po sa Senado.”

“Kaya nga po mayroon tayong bicameral conference, nagpupulong po kung ano ang mga hindi napagkasunduan na mga probisyon ay pwedeng pag-usapan,” paliwanag ni Go.

Tinitiyak ng prosesong ito na ang parehong kapulungan ng Kongreso ay may pantay na sinasabi sa pinal na anyo ng anumang batas.

“Eh kung jointly na po mawawalan po ng saysay ang Senado. Mawawalan po ng karapatan ang Senado. Mawawalan po ng boses ang Pilipino,” idiniin pa niya.

Ayon kay Go, ang ganitong pagbabago ay makasisira sa tungkulin at kakayahan ng Senado na kumatawan sa mamamayang Pilipino. Binigyang-diin pa niya ang nationwide mandate na nakaatang sa mga senador.

“Kami po ay ibinoto ng buong Pilipinas, nationwide po ‘yan. Kami po ay boses ng buong Pilipinas,” pagdidiin ni Go.

Kaugnay nito, ikinagalak ni Go ang panukalang magsagawa ng Senate probe sa umano’y panunuhol na isinagawa upang makakuha ng pirma mula sa mga botante para sa People’s Initiative at sinabing handa siyang lumahok.

“Dapat malaman kung mayro’ng suhulan na nangyari o free will ba ito ng Pilipino na pumirma po sila. Eh kung free will po walang problema at kung totoong naiintindihan po nila ang kanilang pinirmahan,” paliwanag niya.