Advertisers
Arestado ang isang babae nang manalisi ng higit P80,000 na halaga ng gadgets kasama na ang laptop at tablet sa 2 estudyante sa Maynila nitong Sabado ng gabi.
Hagip sa CCTV ang pag-obserba muna ng suspek sa paligid ng fast food chain, nang makitang walang nagbabantay sa mga gamit na nakapatong sa mga upuan ng kanyang target, dinampot niya ang dalawang bag at dali-daling lumabas.
Sa isang anggulo ng CCTV, kita na nagmamadaling naglakad paalis sa fast food chain ang suspect.
Batay sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, nakuha ang black shoulder bag na may laptop na may halagang P51,000, isang passport, at mga school supplies.
Isang backpack naman na nagkakahalaga ng P5,000 ang nakuha sa isa pang biktima na may lamang iPad na may halagang P30,000, cash na P500, at mga school supplies.
Sa pursuit operations ng Theft and Robbery Section at tracker team ng Crime Investigation Section ng Manila Police District, nahuli ang suspect nitong Sabado ng gabi malapit lang sa mga fast food chain kung saan ginawa ang krimen, sa Barangay 647 sa Maynila.
Paliwanag ni PEMS Laurencio Bernardo, deputy chief investigator ng Barbosa Police Station, nag-o-order ang mga biktima sa fast food chain nang masalisihan. Hindi naman umano ito ang unang beses na ginawa ito ng suspect.
Dagdag ni Bernardo, ginawa pa ito ng suspect sa isa namang fast food chain pero wala siyang nakuhang gadget.
“Nag-conduct kami ng follow-up operation at nagtanim kami ng mga operatiba doon at nagpanggap na customer,” sabi ni Bernardo.
“Sa area namin, nagsunod-sunod siya (salisi). Hindi ko lang alam sa ibang area… magkasunod,” aniya.
Nagpaalala naman si Bernardo sa publiko na huwag mag-iiwan ng gamit nang walang bantay.
“Pag may opportunity lalo na unattended ang mga gamit nila, nate-tempt lalo ang mga kawatan na ‘yan, kaya ang mga estudyante natin lalo na sa area ng Barbosa Police Station, University-belt, huwag tayo makumpiyansa na kahit saang simpleng coffee shop lang – huwag natin iiwan ang gamit natin na walang nagbabantay,” sabi niya.
Nahaharap sa kasong may kinalaman sa theft ang suspect na pansamantalang nakakulong sa Manila Police District habang iniimbestigahan.