Advertisers
SHOCK! si Vice President Sara Duterte sa pagsabit sa kanya sa ‘Oplan Tokhang’ para todasin ang mga suspek sa krimen sa Davao City noong alkalde siya, hinamon ang mga taong nasa likod ng pag-akusa na magsampa nalang ng murder charges laban sa kanya sa lokal na korte sa bansa.
Say ni Sara, lumabas lamang ang “new script” na ito nang mahalal siyang Vice President.
Aniya, ang testigo laban sa kanya ay inilabas para maisama siya sa mga akusado sa International Criminal Court (ICC), ang nag-iimbestiga sa ‘extrajudicial killings’ sa bansa, kabilang ang sa ‘war on drugs’ ng kanyang ama kungsaan sinasabi ng human rights group na mahigit 30,000 ang pinatay pero sa tala ng Philippine National Police ay higit 6,000 lamang.
“Sa mga taon na nagsilbi ako bilang Vice Mayor at Mayor ng Davao City ni minsan ay hindi naugnay ang aking pangalan sa isyung ito,” diin ni Sara.
Binatikos ni Sara ang imbestigasyon ng ICC, tinawag niyang ito’y pakikialam sa judicial system ng Pilipinas at paglabag sa soberenya ng bansa. “Paglapastangan ito sa dignidad ng mga Pilipino at sa karangalan ng Pilipinas.”
Pero kung inyong naaalala, mga pare’t mare, binigyan ng ilang taon na palugit ng ICC ang gobyerno ng Pilipinas para litisin ang mga akusado sa mga pagpatay, pero walang umusad na kaso, walang nakamit na hustisya ang mga biktima. Kaya na ipinagpatuloy ng ICC ang imbestigasyon bago pa maupo si Pangulo “Bongbong” Marcos noong 2022.
Iginigiit noon ng Duterte administration na walang karapatan ang ICC na manghinasok sa mga reklamo ng patayan sa bansa dahil hindi na miyembro nito ang Pilipinas.
Ang Pilipinas, sa ilalim ng Duterte leadership, ay kumalas lamang sa ICC nang sampahan ng reklamo si Duterte at ilan niyang opisyal sa ICC kaugnay ng mga pagpatay sa umano’y crime suspects kungsaan maraming inosente ang nadamay at sinabi lamang na “collateral damage”.
Sinabi ng ICC, ang iniimbestigahan lamang nila ay ang mga kaso ng pagpatay noong miyembro pa nito ang Pilipinas, mula 2011 hanggang Marso 2019.
Balikan natin si VP Sara, sinabi niyang ang mga nag-aakusa sa kanya ay dapat magsampa ng reklamo sa korte sa Pilipinas. “Wala na itong debate, sa testigo at mga tao na nakapalikod sa kanya mag-file kayo ng kasong murder laban sa akin dito sa Pilipinas.”
Nagsalita si Sara pagkatapos na ang umaming Davao Death Squad leader, retired police officer Arturo Lascañas, ay nagpahayag na si Sara ang nagsimula ng Oplan Tokhang sa Davao City.
Sinabi ni Lascañas na pinadukot sa kanya ni Sara ang crime suspects at pinapatay, ipinalibing para ma-classify lamang itong “missing persons”.
Ang iba pang miyembro ng Duterte na ikinanta ni Lascanas sa mga pagpatay sa Davao City ay sina Congressman Paolo “Polong” Duterte.
Inutusan daw siya ni Polong na patayin ang nakagalit nitong drug suspects at idinamay pa ang isang babae at isang matandang lalaki.
Si Polong daw ang smuggler ng illegal drugs sa Davao City.
Pero ang pinakahari ng drug lords sa Davao City, sabi ni Lascanas, ay ang amang Duterte na partner daw ng Chinese drug lords na sina Michael Yang at Charlie Tan.
Si Michael Yang ay inakusahan noon ni dating PNP Drug Enforcement Group chief Col. Eduardo Acierto na may-ari ng isang ni-raid na shabu lab sa Davao City, habang si Charlie Tan naman ay isinangkot sa P6.4 billion shabu na nakuha sa isang warehouse sa Valenzuela City noong 2017.
Sa mga akusasyong ito ni Lascanas laban kay Sara, sinabi ni Senador Risa Hontiveros na maghahain siya ng resolution para imbestigahan ang Vice President. Abangan!!!