Advertisers
NAPAKAGANDANG senyales para sa pamunuan ng Philippine National Police (PNP) ang nagawa ni Criminal and Investigation and Detection Group (CIDG) Director PMGen. Romeo M. Caramat Jr. na pagpapa-aresto sa mga binansagang “untouchable” na mga lady gambling con drug operator sa hurisdiksyon ng CALABARZON area.
Dinakip ng mga operatiba ng CIDG Special Operation Unit sa magkasunod na raid may ilang araw lamang ang nakaraan sa lalawigan ng Rizal at Batangas ang isang alyas Evelyn at isang alyas Glenda na kapwa nagpapakilalang lider ng grupo ng mga magpeperya habang ang mga ito ay nasa aktong nagpapasugal.
Kapwa kasama nina alyas Evelyn at alyas Glenda ang kanilang mga mister nang lusubin ng mga CIDG operative ang mga sugalang matagal nang inirereklamo ng mga mamamayan ng Morong, Rizal at Malvar, Batangas na hindi inaaksyunan ng mga provincial director at police chief ng naturang mga bayan.
Si alyas Evelyn at ang asawa nitong si Alyas Boy Life ay nagpapatakbo ng pergalan (peryahang pulos sugalan) sa dating sementeryo sa Brgy. San Juan sa bayan ni Morong Mayor Sidney Soriano.
Si alyas Glenda naman ay nasakote kasama ng kanyang mister na si alyas Jun na kilala din sa alyas Utoy pati na ang maraming sugarol na gumon sa pagsusugal ng color game, beto-beto, drop ball, kalaskas at iba pang uri ng table at card game sa ala mini-casino na pinapatakbo ng mga ito sa Brgy. Santiago sa munisipalidad ni Mayor Cristeta Reyes.
Matagal nang nailatag nina alyas Evelyn ang kanilang sugalan sa kunyari ay tradisyunal na mini-carnival sa hurisdiksyon ni Morong Police Chief Major Rosalino Panlaqui. Ngunit sa kabila ng pagtutol ng mga apektadong residente sa pasugalan nina alyas Evelyn ay dedma lamang ito kay Rizal PNP Provincial Director Col. Felipe Maraggun.
May halos dalawang taon namang nag-ooperate ng puesto pijo o permanenteng sugalan si alyas Glenda at ang mister nito sa Brgy. Santiago kaya nagrereklamo ang maraming mga Batanggueno sa operasyon nito. Gayunman binabalewala nina Malvar Police Chief Capt. Nestor Calipjo Jr. at Mayor Reyes ang apela ng mga mamamayan na patigilin ang operasyon ng naturang mga pasugalan.
Mistulang “bahag ang buntot” nina Rizal PD Col. Maraggun at Maj. Panlaqui na kantiin ang gambling operation ng mag-asawang alyas Evelyn at Boy Life pagkat kabalitaang reklamador ang mga ito at may malakas na koneksyon sa mga malalaking pulitiko at PNP official.
Ipinangangahas ng mag-asawang gambling maintainer ang kanilang koneksyon kuno kay Vice President Sara Duterte at ex-PNP Chief na ngayon ay Senador Ronald “Bato” Dela Rosa para sindakin ang mga opisyales at miyembro ng kapulisan at hayaan na lamang ang kanilang illegal vice operation.
Kinikilala din sina alyas Evelyn at alyas Glenda na nagtatag ng grupo ng mga magpeperya na bukod sa pagpapasugal ay hinihinalang nagtutulak din ng shabu at nagbubugaw pa ng mga batang prostitute.
Tahasang tinuligsa pa nina alyas Evelyn at alyas Glenda kamakailan ang liderato ni PNP Chief Benjamin Acorda Jr. kaugnay sa anila ay napakalaking lingguhang protection money na kinikikil ng mga “kapustahan” (police tong collector) sa limang lalawigan sa CALABARZON.
Kasabay din sa pagtuligsa sa anila ay nagaganap na malawakang pangongotong sa hanay ng mga magpeperya ng mga “kapustahan” ay nanawagan pa ang mga opisyales at miyembro ng naturang grupo ng magpeperya na tuldukan na ang pangha-harass sa kanila ng mga naturang intelhencia kolektor kapag di nila maipagkaloob nang kumpleto ang kanilang lingguhang payola.
Kabilang sa mga pulis na mistulang “patabaing baboy” ay ang mga ilang mga opisyales na nakatalaga sa Camp Crame, PNP 4-A Regional at Provincial office maging sa city at municipal police chief.
Kasabay ng kanilang pagkondena sa PNP ay ipinagdiinan ng grupo nina alyas Evelyn at alyas Glenda ang pag-amyenda sa batas na sumasaklaw sa Comprehensive Anti-Gambling Law at gawing legal na ang operasyon ng mga “sugal-lupa” tulad ng color game, beto-beto at iba pang uri ng mga sugal sa peryahan.
Mabuti na lang at naipaaresto na sina alyas Evelyn at alyas Glenda na malaking kabawasan na sa mga gambling con drug operator sa CALABARZON.
Si alyas Evelyn ay may padalawang puwesto ng perya-sugalan sa tabi lamang ng barangay hall ng Brgy. Bagumbayan, tapat ng Tita Els Restaurant sa bayan ni Teresa Mayor Rodel Dela Cruz, ngunit walang aksyon laban dito sina Rizal PD Col. Maraggun at Teresa Municipal Police Chief Major Edsel Limbaga.
May isa pang sugalan si alyas Glenda na may walong buwan nang nag-ooperate sa Brgy. Pinagtong-olan sa siyudad ni Mayor Eric Africa ngunit balewala lang ito kina Lipa City Police Chief LtCol. Rix Villareal.
Ang iba pang pergalan na nag-ooperate sa CALABARZON ay ang nasa Brgy. San Felix, Sto Tomas City na pinatatakbo ni alyas Aleng Yolly; sa Brgy. San Lorenzo, Taytay ni Rommel; sa SM Taytay na inooperate nina Daisy at Mario at Brgy. Muzon, pawang sa bayan ni Taytay Mayor Alan De Leon; ni Jonel sa bayan ng Cardona at permanente o puesto pijo na sugalan nina Pearly at Jose sa G Vibes Resto Bar, Rizal Avenue, Brgy. San Isidro sa bayan din ng Taytay.
Pinatunayan ni MGen. Caramat Jr., isa sa malakas na aspiranteng PNP Chief sa pagreretiro ni PDGen. Benjamin Acorda Jr., na wala itong pinapaburan o kinikilingan kung ang nakasalalay ay ang interes ng publiko at mamamayang kanyang pinaglilingkuran.
Iparaid din sana ni MGen. Caramat Jr. ang iba pang mga pasugalan nina alyas Evelyn, alyas Glenda, Aleng Yolly at ang iba pang mga perya con sugalan na may shabuhan? May karugtong…
***
Para sa komento: Cp. No. 09664066144