Advertisers
ISANG grab driver ang pinagbabaril ng malapitan ng isa sa dalawang lalaki sakay ng motorsiklo matapos na iparada ng una ang kanyang sasakyan sa Dapitan Street, Barangay 6, lungsod ng Pasay.
Bagama’t hindi napuruhan ng bala sa katawan ay mabilis na nakatakbo at nakapagtago ang biktimang si Angelo P Dizon,39, binata, naninirahan sa 2027 Leveriza St.,Pasay City. Siya ay kasalukuyang ginagamot ngayon sa Pasay City General Hospital bunga ng tinamong tama ng bala sa kaliwang bahagi ng puwitan.
Ang dalawang ‘riding in tandem’ ay mabilis na tumakas patungo sa hindi malamang direksyon.
Batay sa ulat na natanggap ni PCOL Mario Lokingan Mayames Jr., Officer-in-Charge, Pasay Police Station, ang insidente ay naganap alas-2:16 ng madaling araw, Biyernes ( March 15) hindi kalayuan sa Coast Residence ng nabanggit na lugar.
Sa tulong ng CCTV footage ay nakita ang sasakyan ng biktima na pumarada sa gilid ng Coast Residence kung saan ay lumabas ang isang babae patungo sa isang gusali.
Makalipas ang ilang sandali ay lumabas ang biktima sa loob ng sasakyan at pumunta sa likuran kung saan ay hindi niya namalayan ang pagdating ng mga suspek na lulan ng isang motorsiklo. Isa dito ang bumunot ng baril at pinaputukan ang biktima sa likurang bahagi ng katawan kaya’t kumaripas ng takbo ang huli .
Ang biktima ay makailang beses binaril ng gunman subalit mabilis itong nakaiwas sa tiyak na kamatayan.
Sa panayam kay Mayames, may posibilidad na magkakilala ang biktima at mga suspek base na rin sa mga nakalap na impormasyon ng pulisya.
Isa sa sinisilip na motibo ng pamamaril ay may kinalaman sa illegal activities na umano’y kinasasangkutan ng mga suspek na kabilang sa grupo ng ‘Kaskas Gang’ na gumagamit ng mga ATM at credit cards para sa kanilang mga iligal na gawain.
Patuloy pa ring nagsasagawa ng manhunt operation ang mga tauhan ng Pasay police. (JOJO SADIWA)