Advertisers
PUSPUSAN ngayon ang follow-up operation ng mga operatiba ng Manila Police District (MPD) sa isang suspek na tinangkang barilin ng dalawang beses ang isang barangay kagawad ng Barangay 232 sa Tondo, Maynila.
Ayon sa ulat, pumalya ang baril ng suspek nang paputukin ito sa opisyal ng barangay.
Napag-alaman na nasa lugar ang suspek at kahina-hinala ang kilos kaya inimbitahan siya upang makausap sa barangay hall.
Gayunman, bigla umanong nawala sa sarili ang suspek.
Bago ang insidente, nakita ang suspek na dumaan sa barangay hall at may hinahanap.
Naghinala ang barangay at napansin din na may nakaumbok sa kanyang baywang kaya sinubukan nilang suriin ngunit biglang tumakbo ang suspek at nahulog ang kanyang cellphone.
Ilang sandali pa, bumalik ang suspek sa lugar at kinompronta ang ilang residente nguni’t hinala ng barangay na nais nitong marekober ang kanyang cellphone.
Dito nakita ang kagawad at tinangkang barilin ng suspek ng dalawang beses. (Jocelyn Domenden)