Advertisers
INAMIN ni First Lady Liza Araneta-Marcos na galit siya kay Vice President Sara Duterte sa pagdalo sa isang rali kungsaan ang kanyang sariling ama ay hinamak ng todo si Presidente Ferdinand Marcos, Jr., tinawag na “drug addict”.
Ibinahagi ng broadcaster na si Anthony Taberna sa kanyang Facebook page noong Miyerkules (April 17) ang ilang bahagi ng kanyang panayam sa First Lady, na inilabas ang kanyang sentimyento sa Vice President.
“Bad shot na ‘yan sa akin,” sabi ni FL Marcos nang tanungin kung may pag-asa pa bang magkaayos sila ni VP Duterte.
Inamin ng First Lady na labis siyang nasaktan sa pagdalo ni Duterte sa anti-charter change rally sa Davao City noong January 28, na isinabay sa paglunsad ng ‘Bagong Pilipinas’ campaign ng Pangulo.
Sa Davao City rali, ipinagsigawan ni ex-Pres. Rody Duterte na “bangag”, “adik na presidente” si Pangulong Marcos at nasa “watch list ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA)”.
“I mean, for me, nasaktan ako because my husband will do everything to protect you. You ran together ‘di ba? Sama-sama tayong babangon muli. Pupunta ka sa rally, tatawagin ang presidente mo na bangag, you’re going to laugh? Tama ba ‘yun? Even Leni never did that,” sabi ng First Lady, patungkol kay dating Vice President Leni Robredo.
Sa pinakahuling videos ng First Lady, makikitang inisnab nito ang Vice President sa send-offs ng biyahe sa ibang bansa ni President Marcos, kungsaan naging mainit na isyu ito sa pagitan nila.
Nitong mga nakaraang araw, sinabi ni President Marcos na ang kanyang relasyon sa mga Duterte ay “complicated” na.
Kamakailan lang din ay muling inulit ni ex-Pres. Duterte na nasa PDEA drug list si Pangulong Marcos.
Sinundan pa ito ng panawagan ng kaibigan at dating House Speaker ni Duterte na si Representative Pantaleon Alvarez sa militar na magwidro ng suporta sa Presidente.
Tapos hinamon naman ni dating Executive Secretary Vic Rodriguez si Pres. Marcos na sumailalim sa “credible drug test” para matapos na raw ang isyu na gumagamit ito ng iligal na droga.
Si Rodriguez ay dating Executive Secretary at dating Chief of Staff ni Marcos na inalis sa puwesto dahil sa samu’t saring isyu ng katiwalian.