Advertisers
KINUMPIRMA ng Department of Interior and Local Government (DILG) at Philippine National Police (PNP) na hawak na nila ang yate na pinagkagahan ng mahigit isang toneladang shabu na nasabat sa police checkpoint sa bayan ng Alitagtag, Batangas.
Magkatuwang na iniimbestigahan ng PNP at Philippine Coast Guard (PCG) ang yate.Tikom pa ang pulisya kung saan galing ang yate at kung saan ito patungo pagkatapos idiskarga ang droga.
Ayon naman kay PNP chief General Rommel Francisco Marbil, may mga follow-up pa silang ginagawa at hinahanap na ilang sasakyan na posibleng kasama ng Foton van na nasabat sa checkpoint, at may apat pa silang lugar na titignan na posibleng lapagan ng mga pinaniniwalaang kasamahan ng nahuling driver na si Ajalon Michael Zarate na taga-Project 4, Masagana, Quezon City.
Nangako si Marbil na hindi titigil ang awtoridad hanggang hindi nadadakip kung sino man ang utak ng iligal na shipment na nagkakahalaga ng P9.6 bilyon, hindi P13.3 billion na unang iniulat ng pulisya.