Advertisers
NAKATAKAS ang tila may sa palos na si dating Bureau of Corrections (BuCor) chief Gerald Bantag sa mga ahente ng National Bureau of Investigation-Cordillera Administrative Region (NBI-Cordillera) sa isinagawang raid sa pinagtataguan nito sa Mines View, Baguio City nitong Sabado.
Sa report ng NBI-Cordillera, 6:00 ng umaga nang salakayin ng mga ahente ng NBI sa pamumuno ni Assistant Regional Director Daniel Daganzo ang isang gusali na nagsisilbing himpilan ng mga Igorot Warriors International (IWI) sa Mines View.
Nakatanggap ng impormasyon ang mga awtoridad na nagtatago doon si Bantag na siyang tumatayong Chairman ng IWI. Ang IWI ang nangunguna sa mga isinasagawang demonstrasyon sa mga kalye at pagtitipon sa Baguio City bilang pagpapakita ng suporta kay Bantag.
Ang dating BuCor Chief ang itinuturong mastermind sa pagpatay sa radio broadcaster na si Percival “Percy Lapid” Mabasa, 63 anyos nang mangyari ang krimen.
Dalawa pang inmates ng BuCor na umano’y napag-utusan din sa krimen ang ikinanta si Bantag sa mga imbestigador na pinangakuan umano silang babayaran ng P500,000.
Una nang sinalakay ng mga awtoridad ang dalawang bahay sa Laguna at Marikina City na umano’y pinagtataguan ni Bantag pero nabigo itong maaresto.
Sinasabing si Bantag ay nagpadala na ng surrender feelers sa gobyerno simula pa noong nakalipas na taon kabilang na ang umano’y pagsuko sa isang maimpluwensiyang personalidad na kaalyado ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa hilagang Luzon pero hindi ito naganap.
Samantalang napabilis naman ang pagtukoy sa mastermind kasunod ng ipinalabas na karagdagang P5 million reward na inanunsyo ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez para sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon sa mga nasa likod ng krimen. Ang kabuuang pabuya sa pamamaslang kay Lapid ay umabot sa P6.5 milyon.
Oktubre 3, 2022 nang barilin si Lapid ng riding-in tandem sa Barangay Talon 2, Las Piñas City.