Advertisers
INATASAN ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang lahat ng ahensya ng pamahalaan na suportahan ang implementasyon ng 2024 National Crime Prevention Program (NCPP) ng Department of Interior and Local Government (DILG) na naaayon sa Philippine Development Plan 2023-2028.
Batay sa Memorandum Circular No. 46 na nilagdaan ni Executive Secretary Lucas Bersamin, binanggit na mahalaga para sa lahat ng ahensya at instrumentalities, pati na rin mga lokal na pamahalaan (LGUs) na suportahan at makipagtulungan sa implementasyon ng 2024 NCPP.
Binanggit ng Malakanyang na agad na magiging epektibo ang circular.
Nabatid na isinumite ng DILG kay PBBM noong Pebrero 22 ang kanilang 2024 NCPP na layuning magbigay ng mga istratehiyang pang-seguridad para palakasin pa ang mga ligtas na pamayanan, protektahan ang karapatan ng mga Pilipino, at bawasan ang pagkalat ng kriminalidad sa bansa, na naaayon sa PDP 2023-2028.
Samantala, inatasan naman ni Pangulong Marcos ang National Police Commission (Napolcom) na pangunahan ang implementasyon ng 2024 NCPP. (Gilbert Perdez)