Advertisers

Advertisers

WEDER-WEDER LANG

0 7

Advertisers

Ang pagsalakay ng Revolutionary Guards ng Iran sa MSC Aries sa pandaigdigang katubigan o international waters sa Strait of Hormuz ay patunay ng patuloy na panganib na kinakaharap ng mga marino at ng industriya ng maritima. Ang Pilipinas ang may pinakamalaking populasyon ng mga tripulante sa industriyang maritima sa buong mundo, ngunit ang tinig ng mga ito ay hindi naririnig. Sa katatapos na Blue Water Forum na ginanap Abril 12, 2024 sa Marlowe Navigation sa Leon Guinto St. Maynila, nagsalita ang tatlong beteranong marino sina Captain Reynold Burt Sablay, Engineer Art Serafico at Commodore Jeremias Simon Jr.

Pawang produkto ng Philippine Merchant Marine Academy ang kumatawan sa mahigit sa 600,000 na marinong Pilipino kung saan sila ay nagbigay ng kanilang salaysay at opinyon ukol sa industriya ng pamamalakaya. Tinalakay partikular ang isyu ng West Philippine Sea. Kalahok dito ang mga piling panauhin mula sa media, kasama ang inyong abang lingkod. Dito tinalakay ang epekto ng pambubully ng Pulahang Tsina sa ating mga mangingisda at bantay-dagat na maliwanag may epekto sa kabuhayan nila, mga kasapi “sa Hukbo, at mga marinong Pilipino sa pangkalahatan.

Dalawang bagay ang mahalaga sa talakayan, ang kahalagahan ng ating presensya sa nabanggit na lugar, at ang katigan ang desisyon ng UNCLOS, kung saan may karapatan tayong ekslusibong mamahala sa ating EEZ. Kahit naging mainit ang talakayan, ang lahat ay sumang-ayon sa pananatili ng tapang, decorum, at paggalang sa naiibang opinyon. Matapos ang salita ng tatlo, nagkaroon ng “question and answer portion” kung saan sinagot ng tatlo ang mga tanong mula sa mga lumahok, mga taga-industriya ng maritima at taga-media.



Ipinamalas dito na maayos ang pagharap sa mga isyu sa marahan at mahinahon na usapan. Bagama’t alam ng karamihan na ang “merchant marine ” ay protektado ng batas na sumasaklaw sa pamamalakaya; kahit alam nila hindi inaatake ng Pulahang Tsina ang pribadong barko, maliwanag sa kanila na kinakailangan maging handa sa anumang maaaring mangyayari. Dahil dito, nakikita na kahalagahan ng mas malawak na partisipasyon ng industriya ng pamamalakaya sa dagat sa Pambansang Seguridad.

Dito nararapat lang na isama, lalo na sa usapan ng National security. Nagiging mahalaga ang papel na ginagampanan ng Industriyang maritima, dahil maaari sila, at mga mangingisdang Pinoy ang magsisilbing mata at tenga na magbibigay ng napapanahong impormasyon sa Hukbong Pandagat at Hukbong Bantay-dagat. Hindi natin makakaila na ng marinong Pilipino ay nagkalat sa iba’t ibang barko at sa iba’t-ibang panig ng mundo.

At dahil dito, makapagbibigay sila ng datos “in real time.” Pangalawa, napapanahon na na magkaroon tayo ng “international registered na barko katulad ng bansang Panama, Maldives at Greece. Nakakapagtaka na ang Pilipinas ay kanlungan ng pinakamaraming tripulante sa buong daigdig, pero wala ni isang barko ang rehistrado sa Pilipinas, o dumadaong sa ibang bansa. Ito ang nais baguhin sa naganap na Blue Water Forum. Para sa ating kaalaman ang mga salitang “blue water ay isang marketing term na ibig sabihin kapag ang merkado o negosyo ay walang kalaban o kumpetisyon, ito ay “blue water.”

Kapag may kalaban na sa negosyo, nagiging “greywater” na ito. Ito ay kayang makamit kung makipagtulungan ng industrtya ng maritima ng Pilipinas at ng pamahalaan. Batid ng tatlong nagsalita na mahaba at masalimuot ang daang tatahakin. Mahaba at makulay ang kasaysayan ng merchant marine industry ng Pilipinas. Natataon na bigyan sila ng boses.

***



HALATANG-obvious na binibilog ng Pulahang Tsina ang ulo ng publiko dahil patuloy ang kanilang pag-titibarí, o “double-talk”, kung saan pilit nilang binabago ang naratibo sa pagpursigi nilang angkinin ang nasa loob ng Exclusive Economic Zone ng Republika ng Pilipinas. Hindi nila matanggap na wala na ang kanilang “little china dog” na itago natin sa pangalang Rodrigo Duterte. Ngayon pa humihingi ang abang peryodistang ito ng paumanhin sa mga tunay na aso. Nabago ang polisiya ng bansa mula sa pagiging pro-Tsina sa pagiging pro-US sa ilalim ng pamamahala ng kasalukuyang pangulo Ferdinand Marcos Jr.

Ngayon pa lang, malalakas ang kahol ng mga pro-Tsina na naglalaway na maluklok ang anak ng serial-killer na dating pangulo, at kasalukuyang pangalawa sa naluklok bilang kanilang “little china doll.” Ngunit natutuwa ang inyong abang lingkod, dahil lumalabas na mahigit sa 90% ng Pilipino ay hindi pabor sa ginagawa ng Pulahang Tsina at kanilang kasapakat na pro-Tsina na Pinoy. Sa totoo hindi ko ibinoto ang kasalukuyan na pangulo, ngunit sang-ayon ang abang peryodistang ito sa ginagawa niya. Ang pagbago ng polisiyang panlabas ay nagbabago tuwing nagpapalit ng administrasyon matapos ang bawat presidential elections.

Lingid sa kaalaman ng marami ang mga katagang “weder-weder lang ay hindi nanggaling kay dating Pangulong Joseph Ejercito Estrada kundi sa pumanaw na direktor Rudy Meyer. Siya ang nagsabi ng “weder-weder lang” at hindi si Erap. Naging mapalad ang inyong abang lingkod na makadaupang-palad si Direk Rudy noong nagtatrabaho ako sa pelikula, sana po maayos ang naratiba. Kung nais malaman ang tungkol kay Direk Rudy Meyer paki-Google po na lang.

Bagaman, naging makakaila na dahil kay Joseph Estrada at kanyang administrasyon naganap ang pagsampa ng BRP Sierra Madre sa bahura ng Ayungin. Dahil sa ginawa ni Erap at kanyang administrasyon, tinantusan natin ang ating pagmamay-ari sa Ayungin. Ito ang mahalagang atang niya sa Bayan. Kasihan nawa tayong lahat ni Poong Kabunian. At sa dating pangulong serial-killer na nahaharap sa ICC dahil krimen laban sa sangkatauhan, sa lahat ng mga langaw niyang pro-Tsina, sampu ng anak niyang “little china doll”, ang masasabi ko lang: WEDER-WEDER LANG.

***

JokTaym:

Mula ito sa isang kaibigang mamimihit ng pamihit sa recording studio na itatago lamang natin sa pangalang Gerard Paul Jalandoni Elviña:

“Binagsak ako ng aking guro sa Filipino noon…

Sabi niya kasi magbigay ako ng pang-abay…

Sagot ko barong at saya…”

***

mackoyv@gmail.com