Advertisers
Patay ang isang indibidwal at sugatan ang isa pa sa Barangay Dela Paz, Antipolo City matapos bumagsak ang isang sementadong poste nitong Sabado, Abril 27.
Naganap ang insidente bandang alas-10:30 ng umaga.
Kinilala ang nasawing biktima na si Erlinada Tolosa, 57-anyos, isang street sweeper at residente ng 805 Purok Mapayapa, Barangay Dela Paz.
Ang sugatan naman kinilalang si Rosano Fernandez, driver na naninirahan sa 273 Sitio Langhaya sa kaparehong barangay.
Ayon sa inisyal na imbestigasyon ng Acting Chief of Police ng Antipolo City, ang mga biktima ay sakay ng isang tricycle nang mangyari ang trahedya.
Habang binabagtas nila ang kalsada, biglang bumagsak ang isang poste ng Meralco na bumangga sa sasakyan na nagresulta sa pagkamatay ni Erlinada Tolosa at mga pinsala kay Rosano Fernandez.
Agad namang ginamot ang mga natamong galos ng sugatang biktima.
Samantala, tiniyak naman ng mga awtoridad sa publiko ang imbestigasyon sa insidente.