Advertisers
NAGULANTANG ang inyong abang lingkod sa balita na ang punong-bayan ng Bamban Tarlac ay naluklok sa kanyang puesto na walang patunay ng kanyang pagkatao. Ang ibig sabihin ay walang ibinigay sa COMELEC na kopya ng kanyang birth certificate, o transcript mula sa kanyang paaralan. Samakatuwid, mistulang kabute itong si Alice Leal Guo dahil walang katiyakan kung saan nanggaling ito. Ang mas matinding tanong ay paano nakalusot si Ms. Guo na itago lamang natin sa pangalang “Babaeng Kabute” sa COMELEC?
Napag-alaman ng inyong lingkod na ang babaeng kabute ay inirekomenda na maging kandidato para sa pagka-alkalde ng dating alkalde ng Bamban Tarlac na si Jose Antonio “Jon” Feliciano, na nagrekomenda sa babaeng kabute isang taon bago naghalalan noong 2022. Ang bayan ng Bamban ay maliit kaya halos lahat ng naninirahan dito ay magkakakilala. Lumitaw ang pangalan ng babaeng kabute nang madawit ito sa pagkakaroon ng POGO operations sa Bamban. Nang tanungin ni Sen. Sherwin Gatchalian sa Senate hearing, inamin ni babaeng kabute na pag-aari niya ang kalahati ng Baofu Development Corporation bago siya magpasyang pumasok sa pulitika noong 2022.
Ang Baofu Development Corporation ay ang nagmamay-ari sa humigit-kumulang na walong ektaryang lupain kung saan ni-raid ng PNP ang mga naglalakihang gusali kung saan ginawa ang POGO operations. Dahil nalabuan si Senador Risa Hontiveros sa pinanggalingan at pagkatao ng babaeng kabute inutos niya na isinumite ng babaeng kabute ang kanyang statement of assets, liabilities and net worth, pati statement of contributions and expenditures. Maging si Senador Sherwin Gatchalian na kinikilala ng kanyang mga kasama sa Senado na dalubhasa sa numero nagtataka kung paano kumita ang mga negosyo ni babaeng kabute sa gitna ng pandemya.
Sa Senate hearing, nalaman na ang pagkapanganak ni babaeng kabute ay inirehistro lang noong 2013, o 17 na taon matapos siyang ipinanganak noong 1986. Ang dahilan umano ay sa bukid nanganak ang kanyang nanay. Ang ama ni babaeng kabute ay napag-alaman na isang Chinese national. Tama ang sapantaha ng kaibigan kong itatago ko lamang sa pangalang Mac Zamora: “Kung ang kanyang personal at academic records ay kahina-hinala, bakit siya pinahintulutang tumakbo at manalo bilang alkalde? Ganyan ba katanga ang COMELEC at mga botante natin ngayon?”
Ang maliit na bayan na kung tawagin dati ay Cabambanan o Mabanban ay maliit ngunit may makasaysayang nakaraan. Maraming mamamayan ang nagpamalas ng kabayanihan mula sa mga sumama Kay Heneral Servillano Aquino noong digmaan laban sa Kastila, sa pag-atang ng dugo, pawis at buhay sa Bataan, hanggang sa kasalukuyan, kung saan ang mga Kapampangan, Ilocano, Tagalog, Pangasinense, at Zambal, na pinili ang Bamban bilang kanilang tahanan, na namumuhay ng marangal at patas, at nagbibigay ng kanilang kontribusyon sa pag-unlad ng Bamban; hindi makatarungan magisahan sila ng isang basta na lamang umusbong na kabute sa pagkatao ni Alice Leal Go. Kung hindi ito Pilipino, itinanim ito ng pulahang tsina. Bahagi siya ng estratehiya ng kalaban na pahinahin ang ating bansa. Isa siyang “sleeper” o kalaban na lilitaw laman sa tamang panahon. Parang isang kabute, kabilang siya at mga katulad niya sa taong kabute. Ka-ingat tayo, at ka-igat tayo. Patnubayan nawa tayong lahat ni Poong Kabunian.
***
LAMAN ng balita mula noong nakaraang linggo ang lumabas na audio recording na namagitan sa isang opisyal ng Hukbong Dagat ng Republika ng Pilipinas at isang umano opisyal ng pulahang tsina. Sa maikling paliwanag ito ay bahagi ng bagong istratehiyang ginagamit ng pulahang tsina upang takluban ng pagdududa ang katapatan at katatagan ng ating pamahalaan. Bahagi ito ng inilunsad nilang “asymmetric warfare” o pandigma na gamit ang ibang paraan maliban sa direktang konprontasi na makikita sa digmaan.
Bahagi dito ay ang pinaglalaruan ang isip ng kalaban o “psyops” sa mahilig magbasa ng mga libro ni Robert Ludlum at Tom Clancy alam ninyo ang sinasabi ko. Kaya huwag pansinin ang sinabi ng kinatawan ng pulahang tsina. Nais lang nilang baguhin ang naratibo para sila ang magmukhang nasa tama.
***
MARAMI ang nagsasabi dapat isakdal ang dating pangulo na serial killer Rodrigo Duterte sa salang pagtataksil sa bayan. Ako, sampu ng matapat at marangal na Pilipino ay sumasang-ayon dito. Lamang, dapat intindihin natin na ang pagtataksil ay may kalakip na parusa sa panahon lang ng digmaan. Imbes na atupagin ang pag-amyenda ng Saligang-Batas, ito ang dapat ayusin ng mga mambabatas at amyendahan para maparusahan ang mga taksil sa Bayan sa panahon ng kapayapaan.
***
Wika-Alamin:
LUMLOM Ang isa pang tawag sa luto nito ay buro o binulok. Ang LUMLOM ay pagluto na minana natin sa ating mga ninuno. Nakagisnan ang LUMLOM sa Bulacan. Sa paggawa ng LUMLOM inililibing ang isdang bangus o tilapia sa burak sa loob ng isa o dalawang araw ayon sa tingkad ng araw, at hinahayaan na umasim o mapanis ito ng bahagya. Pag-ahon hinuhugasan ang isda at niluluto ng paksiw o pinirito. Kapag ginamit ito sa salita: “Masarap kumain ng LUMLOM pag may kasamang patis na may sili at kamatis na may sibuyas”.
***
Jok Onli:
Daghang salamat sa nenok Butch Del Rosario
TINY: Hi Tita, tanong ni mama kung pwede
na daw po ba makuha yung hiniram
mong kaldero?…
TITA: Ah, sige anak, daanan mo dito
mamaya sa bahay ( sabay tanong)
kumusta nga pala pag-aaral mo?…
TINY: Medyo mahirap po kasi online…
TITA: Kaya mo yan, ganyan din dinanas ng
pinsan mo na nurse na ngayon…
TINY: OO nga po eh…
TITA: Ikaw anak, ano ba kinukuha mo?…
TINY: Kaldero po ni Mama…
Toink…
***
mackoyv@gmail.com