Advertisers
KULONG ang isang pulis at dalawang kasabwat nito sa pagbebenta ng nakaw na motorsiklo sa Sampaloc, Maynila.
Kinilala ang mga naaresto na sina dating Police Corporal Mark Joseph Patayan, Jhon Ace Ortiz at Jorje Timothy Guinto.
Nabatid na modus na ng dating pulis at kasabwat na magmanman ng mga nakamotorsiklo para biktimahin, tututukan ng baril ang biktima, at ang dalawang kasabwat ang tatangay ng motorsiklo para naman ibenta online kungsaan pinepeke nila ang mga dokumento tulad ng OR/CR ng motorsiklo para mabilis maibenta.
Ayon kay Major Geo Colibao, chief investigator ng Sampaloc Police, patuloy ang pagpapanggap ng dating pulis na kahanay parin ito sa PNP sa pamamagitan ng kanyang pekeng ID.
Sinabi ni Colibao na batay sa complainant, positibong kinilala ang dating pulis na nanutok ng baril at kumuha ng motorsiklo ng dalawa katao.
Aniya, dismissed police ang isa sa mga suspek. Nakuha sa kanya ang dalang baril, ID ng pulis at iba’t ibang IDs.
Ayon kay Colibao, sa San Jose Del Monte City, Bulacan at iba’t ibang lugar sa Metro Manila ang operasyon ng mga suspek, na maaring parte ng mas malaking grupo.
Mayroon nang mahigit 30 complainants laban sa mga suspek.
Patong-patong na reklamo ang isinampa laban sa suspek kabilang ang estafa, usurpation of authority or official functions, falsification of documents, at illegal possession of firearms and ammunitions.
Estafa naman ang kinahaharap na reklamo ng dalawa nitong kasabwat. (Jocelyn Domenden)