Advertisers
KINUMPIRMA ng Department of Migrant Workers (DMW) ang pag-uwi sa Pilipinas ng ikalawang batch ng mga tripolante ng MV Transworld Navigator ngayong araw
Kabilang ito sa kabuuang 27 mga Pinoy seafarer na sakay ng barkong inatake ng mga rebeldeng Houti sa Red Sea nitong isang buwan lamang
Ayon sa DMW, inaasahang makauuwi sa bansa ang 8 Pinoy repatriates mamayang alas-7:05 ng gabi sakay ng Cathay Pacific flight CX-903 mula Abu Dhabi at lalapag sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 3
Personal na sasalubungin ni Migrant Workers Sec. Hans Leo Cacdac ang mga balik-bayang Pilipino katuwang ang mga opisyal mula sa Department of Foreign Affairs (DFA) at ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA)
Magugunitang nitong Linggo lamang, naka-uwi na rin sa bansa ang 5 Pilipinong tripolante ng naturang barko at tumanggap ng kaukulang tulong mula sa Pamahalaan.
Bago ang insidente, pinagbawalan na ng gobyerno ng Pilipinas ang mga Filipino seafarers na sumakay sa mga barkong dadaan sa Red Sea at Gulf of Aden.
Inatasan ng DMW ang mga manning agencies na magsumite ng ‘affirmation letter’ na ang mga pampasaherong barko o cruise vessel na may mga tripulanteng Pinoy ay hindi tatawid sa Red Sea at Gulf of Aden na itinalaga bilang ‘ war-like zones’.
Bilang karagdagan sa “ liham ng pagpapatibay “, inatasan din ng DMW ang mga manning agencies na isumite ang detalyadong itinerary ng kanilang sasakyang-dagat sa panahon ng pagproseso ng mga kontrata sa pagtratrabaho ng mga tripulante o bago ang pag-deploy. (JOJO SADIWA/JERRY TAN)