Advertisers
Wala nang buhay ang isang lalaki sa loob ng kanyang sasakyan at ang kasama nitong babae nang matagpuan sa sitio Padungsul, Barangay Basao, Gattaran, Cagayan.
Nagtamo ng mga tama ng bala ang dalawang biktima kung saan kinilala ng mga otoridad ang driver ng sasakyan na si Juanito Dela Cruz na base sa kanyang drivers license at taga Brgy. Punta, Aparri. Habang ang babae na kasama nito inaalam pa ang pagkakakilanlan.
Ayon kay Police Major Gary Macadangdang, hepe ng PNP-Gattaran, 12:00 ng tanghali nitong Linggo nang ipagbigay-alam sa kanilang himpilan ang pangyayari.
Agad namang nirespondehan ng kapulisan at nadatnan si Dela Cruz sa driver’s seat habang ang babaeng biktima natagpuan sa isang creek na malapit sa kalsada na tinatayang nasa 50 metro ang layo mula sa sasakyan.
Sa report, parehong wala nang buhay ang mga biktima nang matagpuan at nagtamo ng hindi pa mabatid na tama ng bala.
Sinabi ni Major Macadangdang na posibleng kakilala ng mga biktima ang mga salarin dahil maayos na nakaparada sa gilid ng kalsada ang sasakyan ng mga biktima.
Agad namang dinala ang mga biktima sa Dr. Nolasco Hospital at idineklarang dead on arrival ng umasikasong duktor.
Samantala, batay sa paunang imbestigasyon ng kapulisan sa mga residente sa lugar, umaga pa umano nakaparada ang sasakyan ng mga biktima ngunit hindi napansin kung sino ang bumaril dahil may kalayuan ito sa kanilang mga tahanan.
Sa ngayon, patuloy ang ginagawang imbestigasyon ng mga otoridad sa posibleng motibo ng pagpaslang sa mga biktima.