Advertisers
Upang makapagbigay ng suporta sa mga bulnerableng Pilipinong nangangailangan ng medikal na atensyon, personal na binisita ni Senador Christopher “Bong” Go ang Malasakit Center sa Governor Celestino Gallares Memorial Medical Center sa Tagbilaran City, Bohol.
Ang ideya ni Go na one-stop-shop na Malasakit Center kung saan ang lahat ng kinauukulang ahensya, kinabibilangan ng Department of Social Welfare and Development, Department of Health (DOH), Philippine Health Insurance Corporation, at Philippine Charity Sweepstakes Office, ay tinitiyak na ang tulong medikal ay abot-kamay ng mga mahihirap na Pilipino.
Mula nang maitatag ang unang Malasakit Center noong 2018, mayroon na ngayong 165 centers na nakatulong na sa mahigit 10 milyong Pilipino sa buong bansa, ayon sa DOH.
“Ang Malasakit Center po ay isang simbolo ng ating malasakit at pagmamahal sa Pilipino, kaya’t gamitin natin ito nang maayos at pahalagahan,” ani Go.
Bukod dito, ang Malasakit Center ay hindi lamang nagbibigay ng kinakailangang suportang medikal kundi nagsisilbi ring transformative assistance at pag-asa sa mga Pilipino, tulad ni PLt. Milenda Basalo ng Philippine National Police Aviation Security – Bohol Panglao Airport, na natulungan ng Malasakit Center.
“Naaksidente ako habang naka-duty last February. After three days, when we were processing the billing, I was informed that I could avail the Malasakit Center’s assistance,” sabi ni Basalo.
“Maraming salamat sa Malasakit Center at kay Senator Bong Go. Nakatutulong ito (Malasakit Center) sa mga pasyenteng nangangailangang tulad ko,” aniya pa.
Sa Bohol, matatagpuan din ang Malasakit Center sa Don Emilio Del Valle Memorial Hospital sa Ubay.
Si Senator Go, chair ng Senate committee on health and demography, sa pakikipag-ugnayan kay Medical Center chief, Dra. Macuno Kismet, Malasakit Center head Estrelita Orevillo, bukod sa iba pa, ay nananatiling nakatuon sa pagpapalawak ng feeding program sa mas maraming ospital at Malasakit Centers sa buong bansa.
Ang Malasakit Team ni Go ay nagsasagawa ng feeding program upang maibsan ang gutom at magbigay ng nutritional support sa mga mahihirap na pasyente at kanilang pamilya, gayundin sa mga kawani ng ospital.
“Sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga pagkain, matutulungan natin silang gumaling nang mas mabilis at maibsan ang ilan sa mga pinansiyal na pasanin sa kanilang mga pamilya,” sabi ni Go.