Advertisers
Naaresto ang isa sa mga scammer na pinaghahanap sa Lungsod ng Tuguegarao nang isilbi sa kanya ang warrant of arrest sa Gunnacao Street, Brgy. Cataggaman Nuevo, Tuguegarao City, Cagayan.
Ayon sa kay PCAPT Rose Marie Taguiam, tagapagsalita ng Tuguegarao Component City Police Station, Hulyo 10, 2024 nang ilabas ng Regional Trial Court Branch 10 sa lungsod ng Tuguegarao ang mandamyento de aresto laban sa inireklamong si Alyas Liz, 27-anyos at residente sa naturang lugar dahil sa kasong Estafa.
Aniya, nang makatanggap ng impormasyon ang Manhunt Charlie Tracker Team ng kanilang hanay kaugnay sa kinaroroonan ni Alyas Liz ay agad nilang isinilbi ang kanyang warrant at matagumpay naman itong inaresto.
Pansamantala rin itong nakalaya nang makapaglagak ng piyansang nagkakahalaga ng P48,000 alinsunod sa inirekomenda ng korte.
Nabatid pa na ang pagkakadakip sa suspek kasunod ng pagpapa-blotter ng mga complainant kaugnay sa pagkakasangkot ng nito sa “Paluwagan Scam” dahilan upang iakyat at ihain ang kaso sa korte.
Hinihikayat ngayon ng pulisya ang mga nagrereklamo na pormal na magpa-blotter at maghain ng reklamo sa korte upang mapanagot ang lahat ng sangkot sa malawakang paluwagan scam sa lungsod.