Advertisers

Advertisers

YOSI MAFIA, BUKING SA 54 CONTAINER VANS

0 5

Advertisers

Muling yumanig ang mundo ng smuggling matapos mabuking ng Bureau of Customs o BOC ang tinatayang P3.3 bilyong halaga ng mga sigarilyo at hilaw na tabako na nakatago sa 54 container vans sa Agusan del Norte. Hindi ito simpleng operasyon lamang, isa itong malinaw na patunay kung gaano kalalim at kalawak ang ugat ng iligal na kalakalan sa bansa.

Habang naghihirap ang taumbayan sa taas ng presyo ng bilihin at patuloy na kinakaltasan ng buwis ang ordinaryong manggagawa, may mga sindikatong walang pakundangan na nagpapasok ng kontrabando upang kumita nang marumi at umiwas sa obligasyon sa gobyerno. Ang masakit, ang perang dapat sana’y napupunta sa serbisyo publiko, ospital, eskuwelahan, ayuda at imprastraktura, nawawala dahil sa kapal ng mukha ng mga ismagler at kanilang mga kasabwat.

Hindi biro ang 54 container vans. Hindi ito kayang gawin ng iisang tao lamang. May organisado, may pondo, may koneksyon at posibleng may protektor. Kaya tama lamang na hindi lang kumpiskahin ang mga kontrabando kundi habulin hanggang sa pinakaugat ang mga nasa likod nito. Dapat may makulong. Dapat may managot. Dahil kung paulit-ulit na lamang na may nahuhuling bilyon-bilyong kontrabando pero walang malalaking pangalan na napaparusahan, lalong titibay ang loob ng mga kriminal na ito.

Pinapurihan naman ang mabilis na aksyon ng BOC sa ilalim ni Commissioner Ariel F. Nepomuceno katuwang ang Philippine National Police. Ipinakita sa operasyong ito na kaya ng gobyerno na sumuntok nang mabigat laban sa mga ilegalista kapag seryoso ang pagpapatupad ng batas. Ang direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na paigtingin ang kampanya kontra smuggling ay dapat lamang na mas paigtingin pa hanggang sa tuluyang malansag ang mga sindikato.

Nakakagalit isipin na habang ang legal na negosyante, hirap sumunod sa tamang buwis at permit, may mga tusong grupo na bilyon ang kinikita gamit ang pandaraya. Hindi lang ekonomiya ang sinisira nila, pinapatay rin nila ang patas na kompetisyon at kabuhayan ng mga lehitimong negosyante.

Mas matindi pa rito, ang smuggling ay hindi lamang usapin ng yosi o tabako. Kapag nakakalusot ang ganitong operasyon, kasunod nito ang posibilidad ng iba pang kontrabando gaya ng droga, pekeng produkto, armas at iba pang banta sa seguridad ng bansa. Kaya hindi dapat ito maliitin o palampasin.

Panahon na para tapusin ang malambot na pagtrato sa mga ismagler. Hindi sapat ang press release at photo opportunity. Ang kailangan ng publiko ay konkretong resulta, pagsasampa ng kaso, pagkakakulong ng mga utak, pagkumpiska ng ari-arian at tuluyang pagbuwag sa kanilang mga koneksyon sa loob at labas ng gobyerno.

Dahil sa totoo lang, ang smuggler ay hindi simpleng negosyanteng lumabag sa papel. Sila ay mga magnanakaw ng kita ng bayan. Mga mandarambong na sumisira sa ekonomiya habang ang ordinaryong Pilipino ang nagdurusa.

Kung kaya’t sa bawat container van na nabubuksan at bawat kontrabandong nasasabat, malinaw ang mensahe: oras nang yanigin, habulin at durugin ang mga hari-harian ng smuggling sa bansa. Wala dapat lusot. Wala dapat kinikilingan. Bakbakan kung bakbakan, para sa batas, para sa ekonomiya at para sa sambayanang Pilipino.
***
Sa Port of Batangas ay isang magandang halimbawa ng maayos na pamamalakad ang ipinapakita ng pamunuan nito sa kabila ng kaliwa’t kanang usapin ng korapsyon at ismagling sa ibang pantalan.

Sa ilalim ng liderato nina Batangas District Collector Carmelita M. Talusan at Comm. Nepomuceno, humataw sa koleksyon ang Port of Batangas matapos lumampas sa target nito ngayong unang bahagi ng 2026.

Mahigit P22 bilyon ang nakolekta noong Marso pa lamang, lampas ng mahigit P3 bilyon sa target. Patunay ito na kapag mahigpit ang pagbabantay at maayos ang sistema, lumalaki ang kita ng gobyerno at nababawasan ang “lusot” ng mga manloloko.

Hindi lang koleksyon ang pinagtibay ng Batangas Port. Pinaigting din nito ang kampanya kontra smuggling sa pamamagitan ng mas modernong monitoring system, koordinasyon sa mga importer, at mahigpit na pagbabantay laban sa undervaluation at iba pang modus.

Malaking bagay ito dahil bawat smuggled na produkto ay katumbas ng nawawalang buwis, luging negosyo, at trabahong nawawala sa mga Pilipino.

Kaya tama lamang na purihin ni Comm. Nepomuceno ang Batangas Port bilang modelo ng mahusay na customs administration. Sa halip na puro salita, resulta ang kanilang ipinakita.
***
Hindi na talaga tumitigil ang mga sindikato sa paghahanap ng paraan para maipasok ang iligal na droga sa bansa. Akalain mo nga naman, itinago pa umano sa mga pakete ng kape at personal na gamit ang mahigit P56.6 milyong halaga ng hinihinalang shabu na nasabat ng mga tauhan ng BOC-Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sa Terminal 1.

Pero ang hindi alam ng mga lintik na smugglers at drug courier na ito—mas nagigising na ngayon ang mga otoridad.

Sa ikinasang operasyon ng BOC-NAIA, katuwang ang PDEA at iba pang ahensiya, dalawang babaeng pasaherong galing Cambodia ang nasakote matapos mabuking ang halos 8.3 kilo ng hinihinalang shabu na itinago sa maleta gamit ang carbon paper, packaging tape at sinabayan pa ng coffee powder para iligaw ang mga scanner at K-9 units.

Ganito na kadesperado ang mga sindikato. Lahat gagawin, mapasok lang ang lason na sisira sa kinabukasan ng kabataan at magpapalugmok sa maraming pamilya.

Mabuti na lamang at alerto ang mga tauhan ng Aduana sa pamumuno nina Comm. Nepomuceno at NAIA District Collector Yasmin Obillos-Mapa. Hindi nagpasilaw, hindi nagpabaya, at lalong hindi nagpatinag sa mga bagong estilo ng drug trafficking.

Dapat lang talagang kalampagin at durugin ang mga nasa likod ng ganitong operasyon. Hindi simpleng kontrabando ito—direktang pag-atake ito sa seguridad at kinabukasan ng bansa.

Habang abala ang gobyerno sa pagpapatatag ng ekonomiya, may mga sindikatong tahimik na nagpapakalat ng kamatayan kapalit ng bilyong kita. Kaya dapat lang na walang humpay ang operasyon kontra droga sa mga paliparan, pantalan at iba pang border entry points.

Malinaw ang mensahe ng gobyerno: walang ligtas ang mga drug trafficker.

At para sa mga nagtatangkang gawing bagsakan ng shabu ang Pilipinas, mag-isip-isip na kayo. Dahil sa bawat maletang binubuksan ng Customs, maaaring katapusan n’yo na ang kasunod.
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe sa bampurisima@yahoo.com.