Advertisers
NAPABAYAAN umano ng mga ospital sa Maynila ang dahilan kaya hindi nadugtungan pa ang buhay ng isang beteranong radio reporter ng DZRH na si Misael ‘Boy’ Gonzales.
Ayon sa pamilya ni Gonzales, labis ang kanilang hinagpis sa sinapit ni “Boy” nang pinagpasa-pasahan ito ng mga ospital.
Sumakabilang buhay si Gonzales 6:11 umaga ng Lunes sa Manila Medical Center sa edad na 67 dahil sa stroke.
Isang Manila beat reporter si Gonzales.
Ayon pa sa pamilya, pang-apat na ospital na itong pinagdalhan kay Gonzales nang makaramdam ng hilo at hirap sa paghinga.
Sinabi ng pamangkin ni Gonzales na si Florelim Mariano, na kasama ng pasyente sa buong huling araw nitong pagpapalipat-lipat ng ospital, na tila napabayaan ang kanilang mahal sa buhay.
Unang dinala sa Ospital ng Tondo bago magtanghali ng Linggo nang sumama ang pakiramdam ni Gonzales.
Inilipat ito sa Justice Jose Abad Santos dahil kailangan na i-CT Scan, pero kailangan paring alisin dahil wala umanong operator sa nabanggit na makina.
Mula sa naturang dalawang ospital, dinala si Gonzales sa Jose Reyes Memorial Medical Center 7:30 ng gabi ng Linggo kungsaan pinaghintay pa ng limang oras sa hallway na wala man lamang ginagawa.
Bukod dito, sa halip na tulungan sila sa gitna ng sitwasyon na emergency, nakarinig pa sila ng hindi maganda mula sa pamunuan ng ospital.
Sa kupad ng proseso at awa sa sitwasyon ng pasyente, nagpasya ang pamilya na ilipat na lamang sa pribadong ospital ng Manila Medical Center nguni’t huli na ang lahat dahil hindi narin naisalba pa ng mga doktor.
(Jocelyn Domenden)